Helmet na may full-face visor required sa motorcycle rider at backrider sa GCQ areas

Imahe mula sa MMDA
  • Required sa magka-angkas sa motorsiklo ang pagsusuot ng helmet na may full-face visor
  • Maaari na ang walang motorcycle barrier kung ang magka-angkas ay nakatira sa iisang bahay
  • Required pa rin ang barrier sa magka-angkas na hindi nakatira sa iisang bahay

Nagluwag na sa ilang restriksyon ang mga awtoridad hinggil sa pag-aangkas sa motorsiklo sa Metro Manila na nasa ilalim na ng general community quarantine (GCQ), subalit mayroon pa ring ilang mahahalagang guidelines na dapat sundin. Isa na rito ang pagsusuot ng helmet na may full-face visor para sa driver ng motorsiklo at sa angkas nito.

Imahe mula sa Motosport

Sa pamamagitan ng social media ay pinaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga nagmomotorsiklo na may kaangkas tungkol sa bagong patakaran.

Sinabi ng ahensya na ang helmet na may full-face visor ay bukod pa sa suot na face mask.

“Ayon sa NTF COVID, required ang pagsuot ng helmet na may full-face visor para sa drayber at angkas ng motorsiklo ngayong GCQ. Narito ang mga halimbawa nila. Kailangan abot hanggang baba ang visor o shield ng helmet. Dapat isuot ito kasama ng mask sa buong biyahe. Isa lamang ito sa mga nilabas na guidelines ng NTF COVID tungkol sa motorcycle backriding sa panahon ng GCQ,” Facebook post ng MMDA noong Sabado, August 22.

Bukod sa full-face visor helmet, idinetalye ng MMDA ang iba pang guidelines ng National Task Force Against COVID-19  (NTF COVID).

Imahe mula sa MMDA

Inaprubahan na umano ng NTF COVID ang pag-angkas sa motorsiklo nang walang barrier kung ang driver at angkas ay nakatira sa iisang bahay. Kailangang maghanda ng ID o anumang dokumento bilang katibayan na pareho ang kanilang address.

Ang motorcycle barrier ay kailangan pa rin sa magkaangkas na hindi nakatira sa iisang bahay.

Ang angkas ay dapat isang APOR (authorized person outside of residence), samantalang ang driver ay maaaring APOR, maaari ring hindi.

Ang motorsiklong ginagamit sa pag-angkas dapat ay pribadong pag-aari at hindi “for hire.”

Imahe mula sa MMDA

Loading…