Hindi priority ngayon: Palasyo dumistansiya sa panukalang ‘revolutionary gov’t’

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM
  • Hindi susuportahan ng administrasyong Duterte ang panukalang ‘revolutionary government’
  • Mas prayoridad umano ngayon ng gobyerno ang pagsugpo sa COVID-19
  • Wala ring nakitang dahilan ang Palasyo para papanagutin ang nasa likod nito

Hindi susuportahan ng administrasyon ang panukalang nagsusulong sa ‘revolutionary government’ kahit pa supporters ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa likod nito; ito ang iginiit ng Malakaniyang sa isang televised briefing nitong Lunes.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakatuon ang pansin ngayon ng gobyerno sa pagsugpo sa umiiral na pandemiya bukod pa sa nais tapusin ni Duterte ang kaniyang termino hanggang 2022.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

“It does not enjoy any support po from government right now. It is a private initiative but the private individuals can express freely their views as part of freedom of speech,” ani Roque.

Hindi umano kailangan ngayon ang isang revolutionary government dahil ang Pangulo ay pinuno na ng isang constitutional government.

“Malinaw po na ‘yan ay isang pribadong initiative at ‘yan po ay hindi kabahagi ng priorities ng ating Pangulo sa ngayon,” giit pa ng tagapagsalita ng Palasyo.

Duterte ang mamumuno sa RevGov?

Nitong nagdaang weekend, kumalat ang isang manifesto ng Mayor Rodrigo Roa Duterte – National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) na humihikayat sa publiko para suportahan ang isinusulong nitong revolutionary government.

Ang MRRD-NECC ay pinamumunuan nina dating TESDA Dir. General Atty. Guiling Mamondiong bilang national chairman, Bobby Brilliante bilang deputy national spokesperson at Atty. Francisco Buan bilang national spokesperson. Ang grupo ay siya ring nagtulak noon kay Duterte para tumakbo sa pagkapangulo taong 2016.

Pang. Duterte, Agosto 10| Screenshot mula sa RTVM Facebook video

Naniniwala ang MRRD-NECC na kailangan ang revolutionary government upang mapadali ang pagtatag ng pederalismo sa bansa bago bumaba sa puwesto sa 2022 si Duterte.

Sa isang sulat nito, sinabi ng grupo na aapela sila kay Duterte na pamunuan ang revolutionary government sa ilalim ng isang ‘revolutionary constitution’ na magkakaroon ng bisa hanggang December 31 ng susunod na taon.

Imahe mula sa MRRD-NECC Facebook

Samantala, wala namang nakikitang dahilan si Roque para panagutin ang mga nasa likod ng nasabing panukala dahil wala naman umanong ‘clear and present danger’.

“Kinakailangan meron pong clear and present danger para masupil po ‘yang ganyang pananalita. Wala naman pong clear and present danger dahil ang Presidente mismo ay constitutional government at tutok po siya ngayon sa COVID-19,” paliwanag pa ng opisyal.

Loading…