Ilang Philhealth execs pumayag na buksan ng AMLC ang kanilang bank accounts bilang sagot sa hamon ng Kamara

Imahe mula sa Philhealth
  • Siyam na opisyal ng Philhealth ang pumayag na pabuksan sa AMLC ang kani-kanilang mga bank accounts
  • Handa umano silang pumirma sa waiver ng bank secrecy law upang mapatunayan na wala silang tagong-yaman
  • Pinuna naman ng isang kongresista na hindi kabilang sa kanila ang mga matataas na opisyal ng ahensiya

Pumayag na ang siyam na opisyal ng PhilHealth na buksan ang kanilang bank account upang masuri ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa gitna ng alegasyon ng malawakang kurapsyon sa loob ng ahensiya.

Ito ay matapos silang hamunin ni Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. L-Ray Villafuerte sa ginawang pagdinig ng House committee on Government and Public Accountability at Committee on Public Accounts.

Imahe mula sa Facebook ni Rep. LRay Villafuerte

“If they are saying they are innocent, the public is listening, this is very important. Can I ask PhilHealth officials if they have no objection if we request for an AMLC verification of their bank deposits and bank transaction?” hamon ni Villafuerte sa mga PhilHealth officials na dumalo sa virtual hearing.

Kabilang sa mga pumayag na opisyal sina Jovita Aragona, Renato Limsiaco Jr., Israel Pargas, at Nerissa Santiago na pawang dumalo nang personal sa pagdinig. Handa umano silang pumirma sa bank secrecy waiver para suriin ang kanilang mga bank accouts at upang mapatunayan umano na wala silang itinatagong yaman.

Lima pang opisyal na sumali sa pamamagitan ng video conference ang sumang-ayon din. Kinabibilangan ito nina Vice Presidents Oscar Abadu, Shirley Domingo, at Gilda Diaz; Visayas Area Vice President Walter Bacareza, at Corporate Secretary Jonathan Mangaoang.

Screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN

Subalit pinuna ni Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers na hindi kabilang sa mga matataas na opisyal ng Philhealth ang siyam na kumagat sa hamon ni Villafuerte.

Hindi nakunan ng sagot si PhilHealth chief Ricardo Morales dahil nag-excuse na ito sa meeting bago pa man ang rekomendasyon ni Villafuerte.

Samantala, si Executive Vice President Arnel De Jesus ay umalis din sa meeting dahil kailangan umanong palitan ang battery ng kaniyang pacemaker; habang ‘nag-break’ naman muna daw si Senior Vice President for Legal Sector Atty. Rodolfo del Rosario Jr. dahil sa biglang pagtaas ng high blood pressure.

Loading…