Isandaang vending stalls sa Ylaya Street sa Divisoria binuksan na sa publiko

Imahe mula sa Manila PIO
  • Mga bagong vending stalls sa Ylaya Street sa Divisoria pinasinayaan ni Mayor Isko Moreno
  • Kuwarenta pesos lang kada araw ang bayad ng mga vendor sa puwesto – bente sa umaga, bente sa hapon
  • Ang pagpapatayo ng mga bagong vending stalls ay bahagi ng “Build, Build Manila” Program

Opisyal nang binuksan sa publiko noong Sabado, ika-22 ng Agosto, ang isandaang vending stalls sa Ylaya Street sa Divisoria. Pinangunahan  ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagpapasinaya sa mga bagong tindahan na layuning mabigyan ng mataas na dignidad ang mga street vendors.

Imahe mula sa Manila PIO

Ayon sa alkalde, ang pagpapatayo ng mga bagong vending stalls ay bahagi ng “Build, Build Manila” Program. Ang bawat stall ay may sukat na 1 meter x 2 meters at may sariling kuntador ng kuryente.

Ang mga vendors na nabigyan ng isang stall ay magbabayad sa city government ng P40 kada araw – P20 sa umaga at P20 sa gabi.

Sa pamamagitan nito ay maiiwasan na ang dating kalakaran na ang mga kawawang vendors ay nagbabayad ng mas mataas na halaga sa mga illegal market organizers na kalimitan ay mga tiwaling opisyal ng barangay.

“Etneb sa umaga, etneb sa hapon, takwarens buong araw. May sariling kontador, wala nang ‘eddie at patty,” sabi ni Yorme sa ginanap na ribbon cutting ceremony.

Imahe mula sa Manila PIO

Dahil sa mga vending stalls, naging maaliwalas ang Ylaya Street na dati ay masikip at hindi madaanan ng mga sasakyan dahil sinakop na ng mga vendors ang halos buong kalsada.

Inaasahan ni Mayor Isko na pananatilihin ng mga vendor ang kalinisan ng kalsadang kilala bilang “textile capital” ng Divisoria.

Nilinaw ni Yorme na pili lang ang mga inner roads sa Divisoria ang binuksan para sa mga street vendors. Sa mga malalaking kalsada tulad ng Recto Avenue ay hindi pinapayagan ang mga street vendors.

Imahe mula sa Manila PIO

Ang pinapayagan lang sa Recto Avenue ay ang night market kung saan ibinebenta ng mga wholesalers ng gulay at prutas na paninda sa mga retailers mula sa iba’t ibang panig ng Metro Manila at kalapit na probinsya.

Ang night market din sa Recto Avenue ang nagsisilbing bagsakan ng mga produkto ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang parte ng Luzon.

Loading…