Isang testigo sa Philhealth corruption umatras dahil sa pangamba sa seguridad – Lacson

Screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN
  • Umatras ang isang testigo ni Senador Lacson dahil sa pangamba sa kaniyang seguridad
  • Naka-log in na daw sana ito noong Lunes subalit hindi na tumuloy
  • Dati na raw itong nagsabi na pakiramdam niya ay may sumusunod sa kaniya

Umatras ang isang opisyal ng Philhealth na tetestigo sana sa ginanap na pagdinig sa Senado dahil umano sa pangamba sa kaniyang seguridad.

Ayon kay Lacson, dismayado siya dahil naka-log in na ang dating executive assistant ng Philhealth chief na si Estrobal Laborte subalit hindi na ito nagpatuloy sa pagsali sa ginawang virtual Senate hearing.

Screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN News

“Si Col. Laborte nag-log in pero subsequently nag-leave siya ng meeting hindi na nagpasabi and then after the meeting, nagpasabi siya through a common contact na kung puwede beg off na lang siya di na siya mag-testify for several reasons, among them ‘yung physical security,” ani Lacson.

Hindi ito umano ang unang pagkakataon na umatras si Laborte sa planong pagbubunyag ng kaniyang nalalaman sa malawakang katiwalian sa Philhealth.

Nakatakda raw sila sanang magkita ni Laborte ilang linggo na ang nakararaan subalit nag-backout ito ilang araw na lang bago ang nakatakdang araw. Kuwento umano ng whistleblower, pakiramdam daw nito ay mayroong sumusunod sa kaniya.

Screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN News

“Sinet up ko ‘yung meeting sana namin, last minute nagpasabi siya na hindi siya tutuloy kasi under threat siya and magre-resign na rin lang daw siya so hindi na natuloy ang aming meeting, this was about two to three weeks ago,” anang mambabatas.

Malaki naman ang panghihinayang ni Lacson sa hindi pagsipot ni Laborte. Gayunpaman, mayroon na daw itong naipadalang mga dokumento sa kaniya na puwedeng gamitin sa pagdinig.

Si Laborte ay dating Marine colonel bago naitalaga sa Philhealth. Nabanggit daw nito sa senador na ayaw niyang tawaging ‘squealer’ ng kaniyang mga upperclassmen.

Loading…