Joey de Leon nanawagan sa online posers na lubayan na siya

Image by Joey de Leon via Instagram
  • Joey de Leon nagbabala sa mga fake social media profiles na gumagamit sa kanyang pangalan
  • Nanawagan ang TV host sa mga online posers na lubayan na siya
  • Tinawag niyang “rated PG” ang mga nagpapakalat ng peke

Ngayong panahon na marami ang gumagamit ng internet partikular na ng social media, nagkalat ang mga pekeng accounts na kalimitan ay mga celebrity ang biktima. Hindi natutuwa ang Eat Bulaga! host na si Joey de Leon dito.

Image by Joey de Leon via Instagram

Nagbabala ang TV host sa kanyang mga tagahanga noong Biyernes na maging mapagmatyag sa mga fake accounts. Nanawagan din siya sa mga online posers na lubayan na siya.

Aniya, may mga kumakalat sa ilang mga “pages at format” patungkol sa kanya; samakatuwid, dagdag ni Joey, ginamit siya.

“ITO LANG PO ANG TANGING LUGAR KO at sa Twitter. WALA NA. Tigilan nyo ko!” ang mababasa sa post niya kalakip ang larawan na may nakasulat na “FAKE!”

Sinabi pa nito na wala siyang Facebook account at ang mga nagpapakalat ng peke ay mga “rated PG” daw.

Ang tinutukoy niyang kahulugan ng rated PG ay ang mga Pekeng Gamitero, Paid Germs, Pos-ka sa Gimik, o anumang maisip na kahulugan ng netizens. Basta, paalala ng Henyo Master, “Stay fake este, safe!”

Ang mga verified social media accounts ni Joey ay ang Twitter at Instagram accounts na may username na @angpoetnyo; ang nauna ay may nasa 1.4-million followers samantalang 2.5-million followers naman ang huli.

Image by Joey de Leon via Instagram

Maliban sa TV host, marami pang ibang celebrity ang nagagamit ang pangalan sa social media. Kabilang sa mga nabiktima sina Angel Locsin, Bea Alonzo, Liza Soberano at Pokwang.

Karaniwang ginagamit ang mga fake accounts para mag-post ng mga contents at kumita; mayroon din namang mga diumano’y ibinebenta sa mga pulitiko para magamit sa mga propaganda.

Sana’y matigil na nga ang mga ganitong kalakaran sa social media.

Image by Joey de Leon via Instagram

Loading…