Jolo Revilla hiling ang panalangin para sa amang si Sen. Bong Revilla na positibo sa COVID-19

Imahe mula sa Facebook | Jolo Revilla
  • Panalangin ang hiling ni Cavite Vice Governor Jolo Revilla para sa amang si Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. na nag-positibo sa COVID-19
  • Sa isang Facebook post ay nanawagan si Vice Gov. Jolo sa kaniyang mga kababayan ng panalangin para sa kaligtasan at agarang paggaling ng ama
  • Linggo nang i-anunsyo ng senador na nagpositibo siya sa virus at inabisuhan na mag-quarantine habang sumasailalim sa obserbasyon

Humihingi ng panalangin si Cavite Vice Governor Jolo Revilla para sa amang si Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr. na inanunsyong nag-positibo siya sa COVID-19 kamakailan.

Imahe mula sa Facebook | Jolo Revilla

Sa isang Facebook post ay nakiusap si Jolo na samahan siyang magdasal ng mga kababayan para sa kaligtasan at agarang paggaling ng kaniyang ama.

“Sa awa ng Diyos, asymptomatic naman po siya habang ang aking ina na si Mayor Lani, sampu ng aming pamilya, ay nag-negatibo,” aniya. “Malaki po ang magagawa ng ating pinagsama-samang panalangin. Ngayon pa lang, taos-pus0 na po kaming nagpapasalamat sa inyong panalangin ay pagmamahal.”

Linggo nang mag-post ang senador sa kaniyang opisyal na Facebook page na nag-positibo siya sa virus. “Kami ay nagpa-test at nag-isolate kaagad matapos may mag-positive sa aming household at isa sa aking mga tauhan,” paliwanag niya.

Imahe mula sa Facebook | Bong Revilla

Pumunta raw siya sa Senado noong Lunes at huling lumabas noong Martes para sa ika-40 araw ng kamatayan ng kaniyang amang si former Sen. Ramon Revilla, Sr.

Ngayon ay sumasailalim sa obserbasyon si Sen. Bong habang naka-quarantine. Hiling din niya ang panalangin para sa kaniyang kagalingan.

“Kasama ang inyong mga dasal at sa grasya ng Panginoon, makararaos at malalampasan din natin ito. Ngayon pa lang, salamat po sa inyong mga panalangin. Thank you for your prayers.”

Si Sen. Bong na ang ika-apat na senador na nag-positibo sa virus. Una nang nagka-COVID sina Sen. Juan Miguel Zubiri, Sen. Sonny Angara, at Sen. Koko Pimentel.

Loading…