
- Makati Mayor Abby Binay nag-utos ng imbestigasyon hinggil sa nurse na pinalayas sa tinutuluyan
- Ang nurse ay pinalayas matapos sabihin sa landlady na COVID-19 positive siya
- Humingi ng tulong ang nurse sa barangay health center subalit hindi raw siya matutulungan
- Ipinaalala ni Mayor Binay na may anti-discrimination ordinance sa lungsod na may kaakibat na kaparusahan sa mga lumalabag
Pinaiimbestigahan ni Makati City Mayor Abby Binay ang dinanas na diskriminasyon ng isang nurse na COVID-19-positive matapos palayasin sa tinutuluyang boarding house sa lungsod.

Ipinaalala ng akalde sa lahat na may umiiral na city ordinance na ipinagbabawal ang diskriminasyon laban sa mga taong may nakahahawang sakit tulad ng mga medical frontliners. Aniya, may kaakibat itong kaparusahan.
“The mayor ordered an immediate investigation into this report yesterday. She wishes to remind everyone that there is an ordinance that prohibits and penalizes all forms of discrimination against persons with infectious diseases as well as frontliners and nurses,” pahayag ni Atty. Michael “Don” Camina, ang Makati City spokesman.
Aniya, nakalulungkot na nangyari pa ito sa isang nurse. Mayroon naman umanong mga pasilidad at sinusunod na protocols ang Makati City sa pag-handle ng COVID 19 cases.
Batay sa City Ordinance No. 2020-087 na naaprubahan noong April 8,2020, ipinagbabawal ang anumang uri ng diskriminasyon tulad ng sapilitang pagpapaalis at hindi pagtanggap o pagpapatuloy sa mga lodging houses sa mga taong pinaghihinalaan o infected hindi lang ng COVID-19, kundi maging ng iba pang nakahahawang sakit.

Multang P5,000 sa una at ikalawang paglabag at may kasama nang isang taong kulong sa mga susunod pang paglabag sa ordinansa.
Ang nurse na pinalayas sa boarding house matapos niyang sabihin sa landlady na positibo siya sa COVID-19 ay na-rescue ng Philippine Red Cross habang nakaupo sa isang bangketa sa Barangay Olympia sa Makati.
Sinubukan umanong magpatulong ng nurse sa health center ng barangay subalit hindi ito natulungan. Bagkus ay binigyan lang siya ng numerong tatawagan na hindi naman ma-contact.
“This is a story of discrimination. We should not do this to our fellow Filipinos. We should help all people,” sabi ni Sen. Richard Gordon, ang chairman ng Philippine Red Cross.

Aniya, dapat may malinaw na polisiya sa mga ganitong bagay upang hindi na muling maulit ang insidente. Dapat umanong maturuan ang mga local government officials hanggang sa barangay level ng proper protocols para sa pag-handle ng mga ganitong kaso.