Konsyumer sa Marikina nagulat sa P133,000 na water bill; Manila Water inaming nagkamali sa reading

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Umabot sa mahigit P133,000 ang water bill ng isang Manila Water consumer sa Marikina
  • Mistula umanong mayroon na silang resort at swimming pool sa kanilang konsumo
  • Inamin naman ng Manila Water na nagkamali lang sila ng reading

Nagulat ang isang konsyumer sa Marikina City matapos umabot ang kanilang water bill sa tumataginting na P133,000 sa loob ng anim na buwan.

Kuwento ni Lalaine Vasquez sa panayam ng ABS-CBN News, mistulang mayroon na silang resort o swimming pool dahil sa laki ng kanilang bayarin sa tubig gayong isang maliit lang na apartment ang kanilang tirahan.

“Siyempre na-shock, na tumawa rin kasi ‘di kami makapaniwala na ganoon ang bill namin,” ayon kay Lalaine.

Lalaine Vasquez| Screenshot mula sa ABS-CBN video

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakatanggap sila ng napakalaking bill sa tubig dahil noong nakaraang buwan ay umabot din sa P132,000 mahigit ito. Kaagad naman nilang inireklamo sa Manila Water ang billing at umaasang maaayos na ito sa susunod na buwan.

Subalit mas ikinagulat nilang ang dumating na billing nitong Agosto dahil pumalo na ito sa P133,741.85.

Manila Water iginiit na tama ang bill ng isang konsyumer na nagkakahalaga ng P120K

“Kung kailan po nagcomplain na ‘yung pamangkin ko, bakit tumaas pa? lalo kaming nagulat,” ani Lalaine.

Inamin naman ng pamunuan ng Manila Water na nagkamali lang ang naging basa sa metro. Bukod dito, hindi rin daw umabot sa ipinadalang bill ang tamang reading na nagkakahalaga lamang ng P6,900 mula Pebrero hanggang Agosto.

Humingi rin ng paumanhin si Jeric Sevilla, tagapagsalita ng Manila Water, sa pamilya Vazques dahil sa pagkakamali.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Iginiit din ni Sevilla na iilan lamang ang ganitong kaso na kanilang natatanggap.

“This is just one of the small percentage of the complains. So yes, we do apologize for that,” ani Sevilla.

Noong Hulyo, isang kustomer din ng Manila Water mula sa Taytay, Rizal ang nagreklamo matapos matanggap ang kanilang billing na umabot sa mahigit P120,000 para sa buwan ng Abril, Mayo at Hunyo.

Subalit sa pagkakataong iyon, pinanindigan ng water concessionaire na tama ang kanilang reading dahil nadiskubre nilang mayroong leak sa linya ng nagrerklamong konsyumer.

Loading…