‘Kulang sa political will’: Solcom chief sinisi ang Aquino admin sa paglala ng gusot sa West PH Sea

Imahe mula sa Official Gazette, Planetary Perspectives
  • Isinisi ng isang opisyal ng militar sa Aquino admin ang patuloy na panghihimasok ng China sa WPS
  • Kulang daw sa aksiyon at political will ang nagdaang administrasyon para pigilan noon ang China
  • Sa panahon ng administrasyong Aquino nagsampa ng kaso ang Manila sa int’l court na pinanalunan nito

Sa kakulangan ng aksiyon at ‘political will’ ng nakaraang administrasyon isinisi ng isang mataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paglala ng gusot sa West Philippine Sea.

Sa ginawang confirmation hearing ng Commission on Appointments para kay Lt. Gen. Antonio Parlade, Southern Luzon Command chief, sinabi ng opisyal na kung naaksiyunan lang sana ng gobyerno noon ang usapin sa WPS, hindi na sana nakapanghimasok pa ang China sa teritoryo ng Pilipinas.

Imahe mula sa Phil. Army-Facebook

“The Department of Foreign Affairs, even the Office of the President, did not take action. Even the National Security Council did not take action on this until such time that they were able to completely establish the military bases in this West Philippine Sea, and until there was this ruling from the arbitral tribunal,” ani Parlade.

Dokumentado naman daw sana ang lahat ng ginawang reclamation ng China simula pa noong 2013 subalit tila nagkulang sa gawa ang administrasyong Aquino kaya nagpatuloy ang agresibong pagkamkam ng China sa lupang pag-aari ng bansa.

“What we need is really political will, because if at the start we did something to tell China to stop its reclamation in 2013, then probably we could have nipped from the bud this attempt by the Chinese to reclaim,” dagdag pa ng opisyal.

Imahe mula sa Making It Fun In The Philippines

Ganunpaman, inamin din ni Parlade na nakatali ang kanilang kamay ngayon dahil sa polisiyang pinaiiral ng kasalukuyang administrasyon pagdating sa usapin sa WPS. Nakahanda naman umano silang sundin ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang commander-in-chief na panatilihin ang kapayapaan sa lugar.

“Currently, the policy is to make sure that there’s peaceful, I don’t want to say peaceful co-existence, but maintain peace and stability,” pahayag ni Parlade.

Maaalalang sa panahon ng administrasyong Aquino nagsampa ng kaso ang Manila sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague para kuwestiyunin ang ‘nine-dash line’ ng Beijing. Pinaboran ng korte ang Pilipinas sa isang makasaysayang desisyon na ibinaba noong Hulyo 2016 subalit hindi ito kinilala ng komunistang bansa.

Loading…