Kumpanyang nagbebenta ng mga lote sa kahabaan ng baybayin ng Laguna De Bay, tinutugis

Imahe mula sa TVDI
  • Kumpanyang nagbebenta ng lote sa kahabaan ng baybayin ng Laguna de Bay, sinampahan ng kaso
  • Kasong grave coercion at paglabag sa RA 4850 ang isinampa ng LLDA at Taytay Municipal government laban sa TVDI real estate developer
  • Ang mga reklamo ay inihain bilang babala sa publiko laban sa diumano’y “squatting syndicate” na napag-alamang magsisimula ng konstruksyon sa darating na Setyembre

Isang real estate developer ang nahaharap ngayon sa patung-patong na reklamo at imbestigasyon mula sa iba-ibang ahensya ng pamahalaan dahil sa diumano’y pagbebenta ng mga murang lote sa kahabaan ng baybayin ng Laguna De Bay sa bahagi ng Rizal province.

Imahe mula sa LLDA

Sinabi ng pamunuan ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na naghain ito ng mga reklamong grave coercion at paglabag sa Republic Act No. 4850 (ang batas na lumikha sa LLDA) laban sa Torque Village Development, Inc. (TVDI), isang kumpanyang nakabase sa Cainta.

Ang TVDI ang diumano’y nasa likod ng mixed-use development ng 115 ektarya ng lupa sa bayan ng Taytay sa nasabi ring probinsya.

Ilegal daw ang pagbebenta ng lote sa Sitio Tipayan, Barangay San Juan dahil pag-aari iyon ng gobyerno na bahagi  ng 14,000 ektaryang shoreland. Bukod sa pagiging ilegal, may panganib pa ng liquefaction at pagbaha sa lugar.

Ang ibinebentang mga lote ng TVDI ay malapit sa C-6 Road kung saan ang halaga ng real property ay biglang tumaas kasunod ng ginawang kalsada sa pagitan ng Metro Manila at Rizal.

Imahe mula sa TVDI

Ang mga reklamo ay isinampa nina LLDA General Manager Jaime Medina at Taytay Municipal Mayor George Ricardo Gacula III sa Office of the Provincial Prosecutor of Rizal noong ika-4 ng Agosto.

Ayon kay Medina, ang shoreland na tinatawag ring buffer zone ay bahagi ng lawa sa kahabaan ng baybayin  na minsan ay nakalubog, minsan nakalitaw dahil sa taunang pagtaas-baba ng water level ng lawa.

“Any form of use is strictly prohibited unless sanctioned by the government for public use,” sabi ni Medina.

Sa isang panayam, sinabi naman ni Frederick Berry, dating vice president ng TVDI, na walang balak ang kumpanya na ibenta ang mga lote; bagkus ay ipamamahagi iyon nang libre sa mga mahihirap na pamilya, pulis at sundalo.

Imahe mula sa LLDA

Sinagot naman ito ni Medina na maraming natanggap na reklamo ang LLDA tungkol sa paninigil ng TVDI ng P10,000 hanggang P20,000 bilang membership fee para makapagpareserba ng lote na proyektong tinawag na “Lakeshore Smart City.”

Ayon kay LLDA counsel Hazel Garduqe, ang reklamo ay inihain bilang babala sa publiko laban sa tinawag niyang “squatting syndicate” na napag-alaman nilang magsisimula na  ng konstruksyon sa darating na Setyembre.

Loading…