Lacson pinangalanan ang 3 opisyal na tetestigo sa Philhealth scam

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Ping Lacson
  • Pinangalanan na ni Sen. Lacson ang tatlong testigo sa Philhealth scam
  • Dalawa rito ay dating opisyal at isa naman ang kasalukuyang nanunungkulan pa
  • Dismayado raw ang tatlong opisyal dahil sa pamamayagpag ng ‘mafia’ sa loob ng ahensiya

Inilabas na ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang pangalan ng tatlong testigo na handang ibulgar ang katiwalian sa Philhealth. Kabilang dito ang isang kasalukuyang opisyal at dalawang dating opisyal ng ahensiya.

Sa isang online interview kay Lacson nitong Lunes, kinilala ng senador ang mga tetestigo sa nakatakdang Senate hearing na sina PhilHealth board member Alejandro Cabading, Estrobal Laborte na dating executive assistant ni PhilHealth President and CEO Ricardo Morales, at ang nag-resign na si Atty. Thorrsson Montes Keith.

Imahe mula sa pinglacson.net

Magugunitang nagbitiw sa tungkulin si Keith, dating anti-fraud legal officer ng Philhealth, at kumalat pa sa social media ang kaniyang resignation letter. Napabalita rin na nagbitiw sa tungkulin ang ilang Philhealth official matapos ang mainit na pagtatalo sa isinagawang Zoom meeting ng mga ito noong Hulyo 23.

Philhealth mafia ‘back with a vengeance’, ayon kay Lacson

“Itong tatlong witnesses, they have a lot to say about the anomalies in PhilHealth.. major issues na IRM), financial statement, at saka ‘yung procurement ng ICT equipment,” pagbubunyag ng senador. “Si Board member Cabading ito ‘yung naka-shouting match during the webinar.”

Ayon pa sa mambabatas, dismayado at walang magawa umano ang mga nabanggit na opisyal dahil sa tila pamamayagpag ng ‘mafia’ sa loob ng ahensiya.

Imahe mula sa Philhealth

“Sabi nila gusto nilang mag-testify against anomalies inside PhilHealth. Actually, matagal na itong nakikiusap, ‘yung iba sa kanila, kung pwedeng maimbestigahan ng Senate kasi they felt so helpless na ‘yung PhilHealth is still very much controlled by the mafia,” anito.

Dagdag ni Lacson, matagal na talaga ang tinutukoy niyang ‘mafia’ at walang nagbabago sa Philhealth lalo na ang tinagurian niyang ‘pattern of corruption’ sa loob ng ahensiya.

Nakatakda ang Senate hearing sa nabanggit na kontrobersiya ngayong Martes, ika-4 ng Agosto.

Loading…