Laptop ng Philhealth na nagkakahalaga ng P4.1-M at P115-M nabunyag sa Senate hearing

Imaeh mula sa Pinoy Negosyo
  • Nabunyag sa ginanap na Senate hearing ang maanomalyang IT budget ng Philhealth
  • Kabilang na dito ang sobrang mahal na laptop na ang isa ay nagkakahalaga ng P115-M
  • Dinepensahan naman ni Morales ang panukalang budget ng ahensiya

Maraming diumano’y katiwalian sa Philhealth ang nabunyag sa isinagawang pagdinig ng Senado nitong Lunes. Kabilang na dito ang mga ‘overpriced’ na items na kaduda-dudang pilit inilulusot sa information technology (IT) budget ng ahensiya.

Sa pagbubunyag na ginawa ni Alejandro Cabading, isang certified public accountant (CPA) at miyembro ng board of directors ng Philhealth, sinabi nitong nadiskubre niya ang mga kahinahinalang items na kung hindi man ‘overpriced’ ay paulit-ulit na nakalista.

Screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN News

Ito ay nakapaloob umano sa panukalang budget na nagkakahalaga ng P2.1B subalit hindi nakapasa dahil sa mga maanomalyang items na kasama dito.

Dati nang nadiskubre ng Commission of Audit (COA) ang nabanggit na anomalya sa planong pagbili ng mga gamit na hindi naman kasali sa orihinal na budget na P734-M. Sa sariling ulat nito noong Mayo, lumalabas na overpriced ng P98-M ang limang IT items at equipment na nais bilhin ng ahensiya.

Ilan sa mga binanggit ni Cabading ay ang pagbili ng Adobe Master Collection software na may budget na P21-M subalit nagkakahalaga lamang ng P168,000 base sa rekomendasyon ng DICT; application servers at licenses na may budget na P40-M subalit P25-M lamang ang halaga; structured cabling na may budget na P5-M subalit nagkakahalaga lamang ng P500,000.

Screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN News

Kabilang din sa kaniya umanong kinuwestiyon ang pagbili ng identity management software na may budget na P42-M subalit nagkakahala lamang ng P20 milyon; office productivity na may budget na P21-M subalit nagkakahalaga lamang ng P5 milyon; application servers at virtualization licenses na may budget na P25-M subalit nagkakahalaga lamang ng P14.8-M.

Nakapaloob din daw doon ang napakamahal na laptop na ang isa ay nagkakahalaga ng P4.1-M habang ang isa naman ay nakagugulat na P115-M.

“I tried my best to find a solution to the concerns internally by bringing it up with the board and with the management but the most frustrating part is that management seems to be tolerating these fraudulent acts by their inaction against these executive officers of PhilHealth who are obviously compromised,” paliwanag ni Cabading.

Dinepensahan naman ni PhilHealth president and CEO Ricardo Morales ang panukalang P2.1-B budget ng ahensiya para sa kanilang IT program. Kailangan na daw i-overhaul ang IT system ng ahensiya dahil ito ay “fragmented, aging and overextended” na.

Loading…