Lawyer pinangaralan ang iskolar na nagsabing iskolar siya ng taxpayers at hindi ng gobyerno

Imahe mula sa News5
  • Pinangaralan ng isang abogado ang iskolar ng bayan na sa halip magpasalamat ay minura pa ang gobyerno
  • Ayon sa iskolar, siya raw ay iskolar ng Filipino taxpayers at hindi ng gobyerno
  • Pinayuhan ng abogado ang iskolar na huwag sayangin ang buhay sa mga maling paniniwala

Pinangaralan ng isang abogado ang isang iskolar ng bayan na nagtapos sa Tarlac State University na nag-post sa social media ng kanyang larawan na may hawak na white board kung saan nakasulat na siya ay iskolar umano ng Filipino taxpayers at hindi ng gobyerno — na kanya pang minura.

Imahe mula sa News5

“Iskolar ng Filipino taxpayers hindi ng fu**ing government,” ang nakasulat sa whiteboard na tangan ng iskolar na nakilalang si Jejomar Contawe na nakapagtapos ng kursong Bachelor of Arts in Communications.

Sa isang Facebook post ay tinalakay ni Atty. Nick Nañgit  ang, aniya, ay baluktot na pag-iisip ng iskolar.

“Nakapagtapos diumano itong si Jejomar Contawe  sa Tarlac State University (TSU) at lumabas sa litratong ito na iskolar daw siya ng mga Pilipinong nagbabayad ng buwis at hindi ng minumura niyang pamahalaan,” panimula ni Atty. Nañgit.

Tama nga na galing sa mga taxpayers ang panustos sa pag-aaral niya sa pampublikong unibersidad, ngunit hindi umano naiintindihan ni Contawe kung paanong napunta sa pamantasan ang mga buwis.

“Ang buwis ay hindi aandar na mag-isa,” paliwanag ng abogado.

Idinetalye niya kung paanong nagkaroon ng buwis at kung ano-ano ang mga prosesong pinagdaanan nito hanggang sa makarating sa TSU.

Imahe mula sa NEDA

“Kinakailangan muna na may panukalang batas na mag-uutos na bayaran ang buwis. Sa Kongreso magsisimula ito. Ang panukalang batas na ito ay kinakailangang pirmahan din ng Pangulo para maging batas. Sunod, kinakailangang gawan ng mga alituntunin sa pamamagitan ng mga regulasyon ng ahensyang naatasan para ipatupad ang batas at makolekta ang buwis, iyan ang BIR,” aniya.

Kailangan din umano ng batas para makapaglaan ng pondo sa TSU. Ito raw ang General Appropriations Act (GAA) at ang charter mismo ng TSU.

“Kapag nakolekta na ng BIR ang iba’t ibang uri ng buwis, ililikom ito ng Bureau of Treasury at ire-release lamang ng Department of Budget and Management ang pondo ayon sa GAA,” paliwanag pa ni Atty. Nañgit.

Imahe mula sa Bilyonaryo

Sa pamamagitan ng pondong ipinagkaloob sa TSU ay may panustos na ito sa lahat ng gastusin katulad ng maintenance ng gusali; pasuweldo sa mga guro at non-teaching personnel; pambili ng mga equipment at para sa bahagi ng tuition ng mga mag-aaral, kung hindi man buong-buo.

“Pwes, bakit mo mumurahin ang pamahalaan, e kaya ka nakapag-aral nang mababa ang iyong binabayarang matrikula dahil iyan sa makinarya ng pagpapatakbo ng pamahalaan?” tanong ng abogado sa iskolar.

Isinisi ni attorney sa mga aktibistang nakakapasok sa mga State Universities and Colleges ang dahilan ng baluktot na pananaw ng mga estudyanteng katulad ni Contawe.

Dapat umanong magkaroon ng batas upang iwasto ito dahil kung hindi ay magpapatuloy ang pagbabaluktot sa kaisipan ng mga mag-aaral.

Sinisi rin niya ang mass media na kayang kontrolin ang pag-iisip ng mga kabataan para isulong ang pansariling layunin.

Imahe mula sa News5

Sa huli, pinayuhan ni Atty. Nañgit si Contawe na huwag sayangin ang buhay sa maling paniniwala at dapat ay magpasalamat ito sa nagpaaral sa kanya.

“Sayang lang ang pagiging iskolar mo,” pagtatapos ng abogado sa post niya.

Samantala, may petisyon nang isinusulong sa pamamagitan ng change.org kung saan ay may panawagan na “Make Jejomar Contawe reimburse all expenses paid by the government for his education”

Loading…