Libreng door-to-door RT-PCR test sa piling MECQ areas iminungkahi ni dating senador Trillanes

Imahe mula sa Facebook account ni Antonio "Sonny" Trillanes IV
  • Nagbigay ng limang rekomendasyon si dating senador Antonio Trillanes IV sa pagtugon sa COVID-19 habang umiiral ang MECQ
  • Dapat umanong magsagawa ng libreng door-to-door RT-PCR tet sa mga barangay na may maraming COVID-19 cases
  • Sayang lang daw ang 2 weeks na MECQ kung walang makabuluhang bagay na gagawin ang pamahalaan

Nagbigay ng limang proposals si dating senador Antonio Trillanes IV sa pagtugon sa lumalalang kaso ng COVID-19 upang maging produktibo ang dalawang linggong pagpapairal ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at apat pang probinsya sa Luzon.

Imahe mula sa Facebook account ni Antonio “Sonny” Trillanes IV

Kabilang sa kanyang iminungkahi ang pagsasagawa ng door-to-door reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test sa mga barangay na nasa ilalim ng MECQ na may maraming COVID-19 cases. Dapat daw na gawing libre ang nasabing test.

Aniya, walang saysay ang dalawang linggong MECQ kung walang makabuluhang bagay na gagawin ang gobyerno. Ang kawalan ng komprehensibong plano ng pamahalaan na makontrol ang pagkalat ng virus sa kabila ng pagpapatupad ng mahigpit at matagal na lockdown daw ang nagbunsod ng kaawa-awang kalagayan ngayon ng mga health frontliners.

“The pitiful condition of our healthcare workers is brought by the Duterte administration’s failure to provide a comprehensive and doable action plan to control the spread of the virus despite the long and harsh lockdown it implemented,” anang masugid na kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Imahe mula sa Facebook account ni Antonio “Sonny” Trillanes IV

“Kung mag-lockdown ng two weeks pero wala rin namang gagawing makabuluhan, wala ring saysay. Lalo lang magko-collapse ang ekonomiya,” sabi pa ng dating senador.

Kabilang sa mga rekomendasyon ni Trillanes ay i-convert na makeshift treatment centers ang mga pampublikong paaralan para sa moderate COVID-19 cases; i-mobilize ang mga senior nursing students at nursing graduates na magtrabaho bilang nursing assistants sa public at private hospitals na ang gastos ay sagot ng gobyerno.

Gayundin, inirekomenda niya na i-hire ang mga family doctors at bigyan ng anim na buwang kontrata na may malaking suweldo, at atasan ang mga manufacturers ng rubbing alcohol at surgical masks na taasan ang kanilang mga produksyon.

Imahe mula sa Taguig LGU

Dapat din aniyang bilhin ng gobyerno ang lahat ng produksyon ng mga ito na ipamamahagi sa mga pagamutan, frontliners at mga disinfection operations.

Ang mga rekomendasyon niya ay kayang-kaya raw gawin sa loob ng dalawang linggo na hindi masasakal ang ekonomiya ng bansa.

Loading…