Limang beterinaryo sa Manila City Pound kinasuhan ng PAWS

Imahe mula sa Manila City Pound
  • Inireklamo ng PAWS ang limang beterinaryo ng Manila City Pound
  • Naghain ang PAWS ng reklamong paglabag sa Animal Welfare Act sa limang beterinaryo
  • Umaasa ang PAWS na gagawa ng aksyon si Mayor Isko Moreno upang maging maayos ang kalagayan ng mga hayop sa loob ng Manila City Pound

Sinampahan ng patung-patong na kaso ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang limang beterinaryo ng Manila City Pound dahil umano sa kapabayaan.

Imahe mula sa PAWS

Sa pahayag ng PAWS sa social media, sinabi nito na naghain sila sa Office of the Ombudsman ng mga kaso laban kina Hector David Dimaculangan, Virgil Benedict De Jesus, Joey Diaz, Nicanor Santos Jr., at Narcisa Bacanto Javier.

Si De Jesus ay City Veterinarian at hepe ng Veterinary Inspection (VIB) Board at si Javier naman ay miyembro ng VIB at hepe ng VIB Pound & Animal Disease Control Services Division.

Si Dimaculangan ay Assistant Chief ng Pound & Animal Disease Control Services Division at Resident Veterinarian ng Manila City Pound. Si Diaz ay Supervising Veterinarian at si Santos ay miyembro ng VIB.

Sila ay nahaharap sa paglabag ng Republic Act (RA) No. 8495 as amended by RA No. 10136 o Animal Welfare Act. Sinampahan din sila ng mga kasong grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Imahe mula sa Manila City Pound

Kabilang sa mga ibinibintang sa lima ay ang pagsisiksik ng animnapung pusa sa loob ng maliit na kulungan na ang sukat ay 2 feet x 3 feet lang. Ang mga aso’t pusa ay ginugutom at nade-dehydrate dahil kulang sa ipinaiinom na tubig.

Hindi rin umano ginagamot ang mga hayop na may sakit at sugat. Pinababayaan na lang umanong bumigay ang mga ito sa sakit.

Mariing sinabi ni PAWS chief Anna Cabrera na dapat nang wakasan ang animal cruelty. Aniya, ang mga stray animals ay dapat ding bigyan ng makataong pagtrato kahit nasa loob ng city pound.

Screenshot ng FB post ng PAWS

Bagama’t nakapaghain na ng reklamo sa Office of Ombudsman, umaasa si Cabrera na gagawa ng karampatang aksyon si Manila Mayor Isko Moreno upang maging maayos ang kalagayan ng mga hayop na nasa Manila City Pound.

Source :

Facebook, Abante

Loading…