Lola nabudol-budol ang mahigit P7-M ipon; pinaniniwalaang mastermind huli

Screenshot sa YT video ng GMA News
  • Natangay ng ‘budol-budol’ ang P7-M ng isang lola sa Balagtas, Bulacan
  • Nasakote naman ang isang miyembro ng mga kawatan na nakilalang si Anthony Jitula
  • Nagpaalala ang kapulisan sa mga ganitong uri ng modus na laganap umano ngayong quarantine

Natangayan ng mahigit P7-M ang isang 92-anyos na lola sa Balagtas, Bulacan matapos maloko ng mga budol-budol gang na nakipagkaibigan sa kaniya.

Ayon sa ulat ng GMA News, kinaibigan ng mga kawatan si Lola Remedios Buizon na nakilala ng matanda matapos bentahan ng mga appliances. Nakumbinsi umano ng budol-budol si lola na mag-invest sa pagbebenta ng appliances.

Ang pera ay ipon ng matanda mula sa halos tatlong dekada niyang pagtatrabaho sa Amerika.

Screenshot sa YT video ng GMA News

Nitong linggo nahuli naman ng mga awtoridad sa entrapment ang isa sa miyembro ng grupo na nakilalang si Anthony Jitula, 24 anyos, at pinaniniwalaang mastermind.

Nasakote si Jitula matapos makipagkita kay Buizon sa loob ng isang bangko upang kunin sana ang perang na-withdraw ng matandang babae.

Dismayado si lola dahil nagawa pa siyang lokohin ng mga kawatan sa ganoong edad niya.

“Kay tanda ko na, aargabiyaduhin pa nila. Imbes na tulungan nila. Sa aking mga pinuno, ayon ang dapat nilang bantayan,” ani Lola Remedios.

Screenshot sa YT video ng GMA News

Nagpaalala naman ang kapulisan sa publiko na mag-ingat sa ganitong modus ng mga masasamang-loob.

“Mag-ingat sa mga kakausap sa inyo. ‘Wag kayong magtiwala agad. Hindi katulad natin lahat ang tao, may mga walanghiya ngayon,” paalala ni Balagtas police chief Police Major Neil Cruzado.

Dagdag pa ni Cruzado, laganap ngayon ang ganitong modus lalo na ngayong quarantine na ang layon ay makapasok sa bahay upang maisagawa ang kanilang masamang balak.

Loading…