Lungsod ng Maynila tumanggap ng P500K mula sa isang anonymous donor

Mga imahe mula sa Facebook ni Mayor Isko
  • Nakatanggap ng P500,000 ang Lungsod ng Maynila mula sa hindi nagpakilalang donor
  • Ito ay ambag umano sa ginagawang hakbang ng Maynila para labanan ang virus
  • Nagpasalamat naman si Mayor Isko sa kabutihang loob ng donor

Nakatanggap ng isang tseke na nagkakahalaga ng kalahating milyong piso ang Lungsod ng Maynila mula sa hindi nagpakilalang donor; ito ang ibinahagi ni Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa kaniyang Facebook account nitong Lunes.

Ang naturang halaga umano ay bilang ambag sa ginagawang aksiyon ng lungsod upang masugpo ang lumalaganap na coronavirus.

Screenshot mula sa Facebook post ni Mayor Isko

“Nakatanggap po tayo ngayong araw ng cash donation worth P500,000 mula sa isang anonymous donor. Para po ito sa pagpapalakas ng ating efforts na labanan ang COVID-19,” masayang bahagi ni Mayor Isko.

“Kung sino man po kayo, maraming maraming salamat po sa inyong malasakit sa aming mga Batang Maynila. Manila, God First!” dagdag pa ng alkalde.

Maraming ginagawang hakbang ang lungsod, sa pangunguna ni Mayor Isko, para labanan ang COVID-19. Kabilang na rito ang pagbili ng mga testing machine para sa tatlong pangunahing ospital doon.

Inilunsad din kamakailan ang libreng drive-thru COVID testing center para sa mga motoristang nais ipasuri ang kanilang sarili nang walang bayad.

Samantala, sa hiwalay na balita, ibinahagi ng alkalde na may dumulog sa kaniya na isang ginang na nagpositibo sa COVID-19 at humihingi ng tulong para sa kaniyang pamilya.

Screenshot mula sa Facebook post ni Mayor Isko

Agad umano nila itong inaksiyunan at nagpadala ang lungsod ng mga kawani mula sa Manila Health Department upang mapuntahan at ma-test ang asawa at mga anak ng ginang.

“Para po kay Nanay na lumapit sa’tin, lakasan n’yo po ang loob n’yo. May awa po ang Diyos. Makakaraos po tayong lahat dito sa kinakaharap nating pandemya,” kuwento ng alkalde.

Tiniyak din ni Mayor Isko sa kaniyang mga kababayan na ginagawa ng pamahalaang lungsod ang lahat ‘upang lingunin, yakapin ang lahat, at proteksyunan sila sa sakit na COVID-19’. Kailangan lang umano ang kooperasyon ng bawat isa sa labang ito na kanilang kinakaharap.

Loading…