Mag-amang may tampuhan, nagtagpo sa quarantine facility makaraan ang 2 dekada

Screenshot mula sa KMJS video
  • Nagkrus muli ang landas ng mag-ama matapos hindi magkita nang mahigit 2 dekada
  • Sa isang quarantine facility sa Capas, Tarlac nagkita ang mag-amang Fernando at Dondon
  • May tampo si Dondon sa kaniyang ama dahil pakiramdam niya ay pinabayaan sila noon

Lukso ng dugo; ito ang naging daan upang muling magtagpo ang mag-amang sina Mang Fernando at Dondon na hindi nagkita sa loob ng mahigit dalawampung taon.

Itinampok kamakailan ang nakaaantig na kuwento nina Mang Fernando at Dondon sa “Kapuso Mo, Jessica Soho.”

Si Mang Fernando ay dating miyembro ng komunistang grupo na New People’s Army o NPA. Habang nagre-recruit ay nakilala niya at kinalauna’y naging misis si Erlinda.

Screenshot mula sa KMJS video

Matapos mahuli at makulong, sinubukang tumakas ni Mang Fernando at dinala nito ang kaniyang pamilya sa Zamboanga kung saan siya nagtago ng ilang taon. Nagkaroon sila ng 5 anak kabilang na ang bunsong si Dondon hanggang sa muli siyang mahuli ng awtoridad.

Ito na umano ang huling pagkikita nila ng kaniyang bunsong anak. Nang muling makalabas, nakipag-ugnayan pa rin siya sa kaniyang pamilya subalit tila malayo raw ang loob sa kaniya ni Dondon.

Kuwento naman ni Dondon, nagtatampo siya sa kaniyang tatay dahil hindi man lang ito tumawag sa kaniya nang makalabas ng kulungan. Minsan naman umano nang tumawag ito ay humingi lang ng pera subalit hindi man lang siya kinumusta.

Screesnhot mula sa KMJS video

Kinalaunan ay nabalitaan ni Mang Fernando na sumakabilang-buhay na ang kaniyang misis dahil sa sakit; bagay na nagpasidhi umano ng galit ni Dondon sa kaniyang ama.

Nang pumutok ang krisis sa pandemiya, isa si Mang Fernando sa kailangang ipasok sa quarantine facility sa Capas, Tarlac.

Samantala, si Dondon naman na noon ay dumalaw lang sa kaniyang mga kapatid, ay kailangan ding sumailalim sa quarantine matapos bumiyahe mula sa kaniyang mga tiyahin sa Rizal kung saan siya tumutuloy.

At dito na nga muling nagkrus ang kanilang landas matapos ang mahigit dalawang dekada.

Nagkakilala, nagkapatawaran at ang tampong kinikimkim nila sa bawat isa ay napawi ng isang mahigpit na yakap. Tunghayan ang kanilang kuwento sa KMJS video:

Loading…