Mag-ingat sa mga pekeng contact tracers na naniningil ng bayad sa COVID-19 test kits – DILG

Screenshot mula sa PTV video
  • Pinag-iingat ng DILG ang publiko sa mga naglipanang fake contact tracers
  • Ang mga nagpapanggap na contact tracers ay naniningil umano ng bayad para sa COVID-19 testing kits
  • Pinayuhan ng DILG ang publiko na huwag mag-panic at agad i-report sa mga awtoridad kapag naka-engkwentro ng pekeng contact tracers
  • Ang tunay na contact tracers ay hindi humihingi ng bayad

Nagbabala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa publiko na mag-ingat sa mga naglipanang pekeng contact tracers na naniningil ng bayad para sa COVID-19 test kits.

Screenshot mula sa PTV video

Sabi ni DILG Undersecretary at Spokesman Jonathan Malaya, may mga taong nagpapanggap na diumano ay miyembro ng Contact Tracing teams na ang hangarin ay makapanloko ng mga tao. Ipinaliwanag niya kung ano ang trabahong sakop ng mga contact tracers.

Nakatanggap umano ng report ang DILG tungkol sa mga fake contact tracers mula sa kanilang regional office sa Region III.

“We ask the public to be vigilant. Huwag po tayong basta-basta magtitiwala sa mga taong tatawag o magtetext para humingi ng pera. ‘Pag may pera na po sa usapan, scam na po iyan,” babala ni Usec. Malaya.

“Ang text at pagtawag normal na trabaho ng contact tracer iyan. Ngunit, never hihingi ng bayad ang ating mga contact tracers. Hindi po iyan trabaho nila at ang contact tracing hindi kasama ang pagbenta ng testing kits,” sabi niya.

Idinetalye ni Usec. Malaya ang paraan ng panggagantso ng mga nagpapanggap na contact tracers.

Screenshot mula sa PTV video

Sasabihin sa pamamagitan ng text o tawag na ang kanilang bibiktimahin ay close contact ng isang kumpirmadong COVID-19 patient. Kapag itinanong ng biktima kung sino ang pasyenteng nakasalamuha niya ay hindi nila ito ibibigay dahil labag daw sa batas tungkol sa data privacy.

“Hindi nila ibibigay ang impormasyon about the alleged person na nag-positive, sasabihin nila na they will violate privacy laws kuno. Pagtawag nila sa isang bahay, they will advise the person to self-isolate at magpa-test within 72 hours. Siyempre, ito namang biktima will agree to undergo testing. Kapag tumanggi naman ‘yung tao, pagbabantaan sila na they will face penalties for not undergoing the coronavirus test,” sabi ni Malaya.

Screenshot mula sa PTV video

Ang payo ni Usec. Malaya, huwag mag-panic sakaling makatanggap ng ganitong tawag o text mula sa fake contact tracers. Agad itong ipagbigay-alam sa pinakamalapit na presinto o kaya naman ay tumawag sa DILG sa pamamagitan ng hotline 911 o kaya ay sa DILG-Public Assistance and Complaint Center number 8925-0343.

Loading…