‘Maging positibo tayo’: PhilHealth nakiusap sa mga miyembro na patuloy na magbayad ng contribution

Imahe mula sa Philhealth
  • Nanawagan ang PhilHealth sa mga miyembro na ‘wag itigil ang pagbabayad ng contribution
  • Mapipilay umano ang programa ng ahensiya at mga kasapi rin nito ang magdurusa
  • Inamin rin ng isang opisyal na nasasaktan sila sa mga kritisismong nababasa sa socmed

Nananawagan ang isang opisyal ng PhilHealth sa mga miyembro ng state insurer na patuloy na magbayad ng kanilang contribution sa kabila ng kinakaharap na alegasyong katiwalian ng mga opisyal nito.

Sa panayam ng dzBB kay Senior Manager Rey Baleña, sinabi ng opisyal na ang pagsubok na pinagdaraanan ng PhilHealth ay para sa ‘ikagaganda’ na rin ng ahensiya.

Imahe mula sa Twitter/ANC

Napakahalaga umano ng kontribusyon ng mga miyembro dahil kapag walang magbabayad, mapipilay ang kanilang mga programa at ang publiko rin ang maaapektuhan.

“In fact, under the Universal Health Care law, tinukoy na ‘yung kontribusyon ng mga miyembro ang isa sa mga pangunahing tutustos sa programa. Kaya nananawagan tayo sa mga kababayan natin na maging positibo ho tayo,” ani Baleña.

Inamin din ng opisyal na nasasaktan sila kapag nababasa ang mga kritisismo at bashing sa social media. Itinuturing na raw nila itong personal na isyu lalo pa’t ang iba sa mga empleyado ay umabot na ng mahigit dalawang dekadang naglilingkod sa PhilHealth.

Umaasa rin ang PhilHealth na lumabas na ang katotohanan upang matuldukan na ang imbestigasyon at maparusahan ang mga nagkasala.

Imahe mula sa UNTV

“At umaasa kami after ng mga imbestigasyon na ito ay maparusahan talaga kung sino ang nagkasala sa hanay namin at ‘yung inosente, ‘wag po madamay,” wika pa ni Baleña.

Naglabas ng saloobin ang opisyal matapos amining may agam-agam na ang ilang miyembro ng PhilHealth na magbayad pa ng kanilang kontribusyon dahil sa isyung kinakaharap ng ahensiya.

Nabasa raw kasi nila sa mga komento sa social media na ang ilang netizen ay ayaw nang magbayad dahil sa pagkadismaya sa tila pagwaldas ng kanilang pera ng ilang tiwaling opisyal.

Loading…