Mahigit 500 katao na nakasalamuha ng isang COVID-positive sa Koronadal hinahanap na

Imahe mula sa Wikipedia
  • Umabot sa 555 katao ang umano’y nakasalamuha ng seaman na nagpositibo sa COVID
  • Pinaniniwalaang nakuha ng lalaki ang COVID-19 sa pamamagitan ng community transmission
  • Isinasagawa na ngayon ng lokal na awtoridad ang contact tracing sa 555 katao

Isinasagawa na ang contact tracing sa mahigit 500 katao na pinaniniwalaang nakasalamuha ng isang seaman na nagpositibo sa COVID-19 sa Koronadal City, South Cotabato noong nakaraang linggo.

Sa isang press conference noong Sabado, kinumpirma ni South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo Jr. na walang travel history ang nasabing seaman na nagpositibo matapos sumailalim sa reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test noong Agosto 7.

Gov. Tamayo| Imahe mula sa PNA

Dumating umano sa bansa noong Enero ang seaman bago pa man kumalat sa bansa ang coronavirus at nagdeklara ng pandemiya ang World Health Organization (WHO).

Nakatakda na sanang sumakay muli sa barko nitong Agosto ang lalaki kaya ito sumailalim sa RT-PCR testing na isinagawa sa Davao City.

Napag-alaman na nakaramdam na ng sintomas ang seaman tulad ng lagnat at pananakit ng kasu-kasuan noong Agosto 1. Sa kabila nito, dumalaw pa ang lalaki sa lamay ng isang kamag-anak at kinabukasan ay dumalo sa isang church service.

Bukod dito, naligo rin umano ang lalaki sa isang hot spring kasama ang dalawang kaibigan. Noong Agosto 4 ay sumailalim naman sa isang check up subalit normal ang resulta.

Imahe mula sa Wikipedia

Kinabukasan ay pumunta naman ang lalaki sa kanilang barangay health center para humingi ng medical certificate. Maliban dito, sumadya rin ang seaman sa City Health Office, police station at City Hall para kumuha ng travel certificate.

Napag-alaman din na pumunta rin ang seaman sa isang burger joint, bangko, car wash, drug store at isang mall.

Ayon sa epidemiology and surveillance units ng Koronadal at South Cotabato, umabot sa 555 katao ang posibleng nakasalamuha ng lalaki at ngayon ay sinimulan na ang contact tracing sa mga ito.

 Sa kasalukuyan, nailipat na sa isang isolation facility sa Koronadal ang pasyente mula sa Davao City. Isinailalim na rin sa quarantine ang kaniyang pamilya at isasagawa na ang rapid testing sa kanila ngayong linggo.

Naniniwala naman si Gov. Tamayo na nakuha ng lalaki ang virus sa pamamagitan ng community transmission.

Loading…