Mahigit P2.6-B isinauli ng mga ‘honest SAP beneficiaries’ – DSWD

Imahe mula sa Facebok - DSWD NCR
  • Umabot sa P2.6-B ang naisauli ng mga SAP beneficiaries na nakatanggap na ng ayuda mula sa ibang ahensiya
  • Karamihan sa refund ay duplication at yaong nagmula sa mga hindi naman eligible tumanggap
  • Dati nang nagbawas ng halos 3 milyong pangalan ng SAP beneficiaries ang DSWD

Mahigit sa P2.6 bilyong piso ang naisauli ng mga social amelioration program (SAP) beneficiaries sa Department of Social Welfare and Development (DSWD); ito ang kinumpirma ng isang mataas na opisyal ng ahensiya.

Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, karamihan umano sa mga nagsauli ay yaong mga nakatanggap na mula sa ibang ahensiya ng pamahalaan o kaya ay hindi naman eligible para tumanggap nito.

Usec Glen Paje| Imahe mula sa PNA

“As of August 5, ang DSWD ay nakatanggap na po ng mahigit na P2.6 billion na  refunded or returned budget mula sa ating Social Amelioration Program,” ani Paje sa isang virtual presser.

Aabot sa 7,931 benepisaryo ng SAP mula sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa ang nagsauli ng halos P49-M at karamihan dito ay duplication o kaya ay hindi kwalipikado.

Umabot naman sa P1.2 billion emergency cash assistance ang naibalik sa DSWD ng 547 local government units (LGUs).

“Ang refund ay dahil po sa  duplication, dahil sa ineligibility o kaya excess or unexpended fund transfer sa mga LGUs,” paliwanag ng opisyal.

Imahe mula sa Facebook ng DSWD NCR

Bukod dito, nagsauli rin ng P66.4-M bukod pa sa refund na P1.3-B ang mga financial service providers (FSPs).

“Samantala, ang mga FSPs ay nagrefund din ng P1.3 billion. Ang mga dahilan ng refund mula sa ating sa FSPs ay unsuccessful credit problems with payroll file or inclusion of areas beyond the coverage of the FSPs,” paliwanag ni Paje.

Dati nang ibinahagi ng DSWD na tinanggal nila ang halos 3-milyong pangalan mula sa listahan ng mga benepisyaryo ng SAP dahil sa nadoble ang mga ito.

Mula sa dating 17 milyon, umabot na lamang sa 14.1 milyon ang bilang ng nasa listahan na nakatakdang tumanggap ng SAP 2.

Loading…