Manhole covers sa Japan umiilaw na, may anime design pa

Screenshot mula sa WIO News video
  • Cute na manhole covers naglipana sa isang siyudad sa Japan
  • Ang mga manhole covers ay umiilaw at dinisenyuhan ng mga sikat na anime characters
  • Nagsisilbing advertisement ang mga illuminated manhole covers sa nakatakdang pagbubukas ng entertainment complex kung saan itatampok ang isang anime museum

Kilala ang Japan sa kultura nitong “Kawaii” o culture of cuteness na makikita sa kanilang pananamit, entertainment at mga laruan tulad ng pamosong Hello Kitty. Maging ang street food sa Japan ay may mga “cute” na disenyo.

Screenshot mula sa Kawaii street foods in Japan video

Sa Tokorozawa City na kalapit lang ng Tokyo, kinagigiliwan ngayon ng mga residente ang mga manhole covers na umiilaw sa gabi at may disenyo ng mga sikat na anime characters tulad ng Gundam robot, mga karakter sa Neon Genesis Evangelion sci-fi animation series at ng The Melancholy Of Haruhi Suzumiya TV series.

Ang 28 manhole covers sa siyudad ay umiilaw mula alas-singko ng hapon hanggang alas-dos ng madaling araw gamit ang solar powered-LED lights.

Ang mga cute na manhole covers ay proyekto ng Kadokawa, isang malaking media and advertising company sa Japan, upang bigyan ng excitement ang mga tao sa nakatakdang pagbubukas ng isang entertainment complex sa Nobyembre kung saan tampok ang  isang anime museum.

Screenshot mula sa WIO News video

Umaasa naman ang city government na sa pamamagitan ng mga illuminated manhole covers ay magiging mas ligtas ang lugar tuwing gabi. Mahigpit nitong pinababantayan sa mga security personnel ang mga decorated covers upang maiwasang mapinsala o mawala.

Ang mga cute na manhole covers sa Tokorozawa ay ilan lang sa napakaraming ganito sa Japan na nagbunsod sa pagkakaroon ng mga grupo ng mga Hapones na tinatawag na “manholers” o mga tagahanga ng mga magagandang manhole covers na ginawang libangan ang “manhole hunt.”

Screenshot mula sa WIO News video

“They are more illuminated than I expected. Usually when you are looking for manholes, they are actually not so easy to spot,” sabi ng manholer na si Kaoru Morita.

Sabi niya, malaking tulong sa tulad niyang manholer ang manhole na umiilaw.

Loading…