Mataas na opisyal ng PhilHealth nagbitiw na sa tungkulin sa gitna ng anomalya

Screenshot mula sa YT video ng ANC
  • Nag-resign na ang isang mataas na opisyal ng Philhealth nitong Huwebes
  • Walang ibinigay na dahilan sa kaniyang pagbibitiw si VP for Operations De Villa
  • Handa pa rin daw siyang makipagtulungan sa ginagawang pagdinig sa Senado

Tatlong araw matapos simulan ang pagdinig sa diumano’y malawakang katiwalian sa Philhealth, nagbitiw na sa tungkulin ang isa sa mataas na opisyal ng ahensiya.

Nag-resign ngayong Huwebes si Philhealth Vice President for Operations Augustus De Villa subalit wala itong binanggit na dahilan kung bakit siya nagbitiw.

Ayon sa ‘irrevocable resignation’ ni De Villa na may petsang Agosto 6 at naka-address kay PhilHealth CEO and President Ricardo Morales, ‘effective immediately’ umano ang kaniyang pagbibitiw.

Imahe mula sa Twitter| Sherrie Ann Torres

“The Vice Chairman knows fully well the reason. I briefed him earlier today in his residence in Taguig City,” ayon sa sulat nito.

Nangako rin si De Villa, na katulad ni Morales ay isang retiradong heneral, na patuloy siyang makikipagtulungan sa isinasagawang pagdinig sa Senado.

“Be assured that I will make myself available for the ongoing investigations in aid of legislation in both Houses of the Congress of the Philippines,” wika pa nito.

Sa ginawang pagsisiwalat ni resigned PhilHealth anti-fraud officer Atty. Thorrson Montes Keith, sinabi nitong ibinigay niya kay De Villa ang ilang dokumento kung saan nakalagay ang plano ng ahensiya na bumili ng 15 network switches sa halagang P4.81-M samantalang ang tunay na presyo nito ay nasa P939,360 lamang.

Imahe mula sa PLN

Kuwento ni Keith, pinunit ni De Villa ang mga dokumento dahil sa sobrang pagkadismaya nito. Subalit inamin din ni De Villa na hindi niya pinunit ang mga papel; bagkus ay itinago niya umano ito.

Samantala, humanga naman si Senador Ping Lacson sa ginawang pag-amin ni De Villa na nasa kaniya pa ang mga dokumento. Mahalagang ebidensiya umano ito kaya kailangan nilang makakuha ng kopya.

Umaasa rin ang senador na magiging bahagi si De Villa ng ‘advocacy group’ sa loob ng Philhealth na handang magbunyag ng katiwalian ng mga opisyal ng ahensiya.

Loading…