Matt Evans pinabulaanang tinatakbuhan niya ang obligasyon sa anak

Image capture from video by ABS-CBN News via YouTube
  • Itinanggi ni Matt Evans na tinatakbuhan niya ang obligasyon sa anak sa dating live-in partner
  • Nagkataon lamang aniya na apektado ang kabuhayan ngayon
  • Labis umano niyang ikinagulat at ikinagalit ang ginawang pag-aresto sa kanya noong Biyernes

Pinabulaanan ng aktor na si Matt Evans ang alegasyong tinatakbuhan niya ang kanyang obligasyon sa walong taong gulang na anak sa dating live-in partner na si Johnelline Hickins at nagkataon lamang aniya na apektado ang kabuhayan ngayon kaya’t sana’y maging patas ang huli.

Image capture from video by ABS-CBN News via YouTube

Pahayag niya sa PEP, “Sana maging patas ka din. Sana lang tigilan na niya panggugulo sa buhay ko. Handa naman ako magsuporta sa abot ng makakaya ko dahil ang ugnayan namin ay sa bata na lang.”

Wika ni Matt, kausapin na lamang sana siya nang personal at alam niyang may lapses siya dahil sa “no work, no pay” ang kanyang trabaho. Lahat, ani ng aktor, ay nadadaan sa usapan.

Masaya na umano ang kanyang buhay sa kanyang asawang si Katrina Fariñas at may dalawa silang anak na binubuhay; pangatlo ang anak ni Katrina sa dati nitong partner na nasa pangangalaga nila.

Huli aniya niyang nakita ang bata na nasa pangangalaga ni Johnelline noong 10 months old pa lamang ito.

Kaya lamang, labis niyang ikinagulat at ikinagalit ang ginawang pag-aresto sa kanya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Carmencita Lacandazo Logan ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 12.

Nakapagpiyansa naman ang aktor sa halagang P36,000.00 noong August 3.

Itinanggi nito na may kinalaman ang bagong kaso sa akusasyong pananakit na siyang isinampa sa kanya ng kanyang dating live-in partner noong 2012 na na-dismiss kalaunan.

Sisiguruhin na umano ni Matt na hindi na mauulit ang pangyayari. “May pamilya ako na inaalagaan, sana lang ‘wag na maulit itong pangyayaring ito dahil may pamilya na akong naaapektuhan.”

Image capture from video by ABS-CBN News via YouTube

Loading…