May-ari ng bake shop, ibinahagi ang kuwento sa likod ng ‘breakup cake’

Imahe mula sa Facebook | Susan's Homemade Cakes
  • Pinag-usapan online ang isang cake na naglalaman ng mensaheng ‘Salamat na lang sa lahat’
  • Inakala kasi ng netizens na isa itong breakup cake
  • Ngunit paliwanag ng may-ari ng bake shop, regalo ito ng kapatid para sa kasintahan dahil nagdiriwang sila ng monthsary

“Salamat na lang sa lahat.”

Ganito ang nakalagay sa cake ng ibinahagi ng Susan’s Homemade Cakes sa isang Facebook post kaya naman agad itong pinag-usapan ng netizens sa pag-aakalang ibinigay ito matapos ang hiwalayan ng magkasintahan.

Imahe mula sa Facebook | Susan’s Homemade Cakes

“Dapat ganito kapag makikipag-break para kahit masakit, may kaunting tamis,” komento ni J. Mendoza sa post na ngayon ay may mahigit 16k reactions at 21k shares.

“Ang sweet naman po, kahit may kaunting kirot,” sabi naman ni E. Ramos.

Ngunit paglilinaw ng isa sa mga namamahala sa bakeshop sa isang panayam sa Philippine Star, hindi ito isang breakup cake. Ginawa ni Berred Mency Cerillo, sa tulong ng kaniyang ina, ang cake dahil request ito ng kapatid para sa monthsary nila ng kaniyang boyfriend na isang nurse.

Imahe mula sa Unsplash

Dahil sa responsibilidad ngayong pandemya ay dalawang buwan nang magkalayo ang magkasintahan. Nasa quarantine facility rin si Patrick, ang boyfriend ni Rein, sa araw ng kanilang monthsary.

Sa halip na simpleng “Happy monthsary” ang ilagay sa cake ay naisip nilang gawan ito ng twist upang mapangiti si Patrick.

“Salamat na lang sa lahat has double meaning, since ito ‘yong mga salitain ngayon ng mga nagbe-break. ‘Yong meaning naman namin doon sa cake is not a breakup story but salamat na lang sa lahat ng sacrifice niya in fighting against COVID,” ani Barred sa Philippine Star.

Sa hiwalay na post ay sinabi nilang nais nilang matulungan ang kanilang mga customer na ipahayag ang sarili. “We want our customers to express their honest selves and cakes are a creative way to do that,” anila.

Loading…