Mayor Isko ipinasara ang mga tindahang nagbebenta ng Chinese hair product na may label na “Manila Province of China’

Imahe mula sa Facebook
  • Agarang ipinasara ni Yorme ang mga tindahang nagbebenta ng kontrobersyal na Chinese product
  • Ang utos ni Mayor Isko ay lumabas ilang oras lang matapos kumalat sa social media ang larawan ng produkto
  • Anang alkalde, hindi niya papayagan ang mga ganitong ‘kalapastanganan’

Kaagad ipinasara ni Manila Mayor Isko Moreno nitong Huwebes ang mga bodega at tindahang nagbebenta ng Chinese hair product na may label sa packaging nitong nagsasabi na “Manila Province of China”.

Ito ay halos ilang oras lang matapos kumalat sa social ang larawan ng Ashley Shine Keratin Treatment Deep Repair na gawang Binondo subalit makikita sa address na nakalagay ay “1st Floor, 707 Sto. Cristo St., San Nicolas, Manila Province P.R. China”.

Screenshot ng Facebook video ni Mayor Isko

SI PBA partylist Rep. Jericho Nograles ang nagbahagi sa Facebook ng nasabing larawan at siya ring nagtutulak na ipa-blacklist ang nabanggit na produkto.

Samantala, umabot na sa apat na stalls ang naipasara ng Bureau of Permits and Licensing Office (BPLO) ng Maynila kabilang na ang isang admin office at isang bodega kung saan umano nire-repack ang produkto.

Tulad ni Nograles, nagalit si Mayor Isko matapos malaman ang tungkol sa label kung saan mistulang ang lungsod mismo nila, na siyang kabisera ng bansa, ang inaari ng China.

Imahe mula sa facebook ni Mayor Isko Moreno

“Hindi po natin pahihintulutan na lapastanganin ng sinuman ang ating bansa na may sariling soberanya. Makakaasa po kayong magsasagawa tayo ng karampatang aksyon upang managot ang mga indibidwal na tila ba inaangkin ang ating bansa o ang Lungsod ng Maynila,” anang alkalde sa kaniyang Facebook.

“Hindi po natin mapapayagan ito na namang unti-unting pamamaraan ng isang bansa na para bang inaangkin ang malayang bansa o ang Lungsod ng Maynila. To all foreign nationals, please respect the sovereignty of our country,” patuloy pa ni Yorme sa isa pang post.

Giit pa ng alkalde, makaaasa umano ang kaniyang mga kababayan na hindi niya papayagan na ‘sinasampal-sampal lang tayo sa mukha natin at sa harapan natin’ ng kung sinumang indibidwal.

Imahe mula sa Facebook ni Mayor Isko Moreno

Bukod dito, nais din ng alkalde na ipa-deport ang dalawang Chinese national na sinasabing may-ari umano ng establisimyentong nagbebenta ng produkto.

Ang reaksyon nina Mayor Isko at Nograles ay taliwas naman sa saloobin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagsabing ‘kalokohan lang’ ang isyu at hindi na ito dapat pang pansinin.

Loading…