Mayor Kit Nieto nilinaw ang tungkol sa natanggap na hazard pay ng sinawimpalad na Cainta nurse

Imahe mula sa Facebook ni Mayor Kit Nieto
  • Nagpaliwanag si Mayor Kit Nieto tungkol sa hazard pay na natanggap ng Cainta nurse
  • Base umano ito sa circular na inilabas ng Palasyo para sa hazard pay kamakailan
  • Hindi rin umano tinanggihang i-swab test ang sinawimpalad na nurse

Nilinaw ni Cainta Mayor Kit Nieto ang isyu tungkol sa natanggap na hazard pay ng nurse na iginupo ng COVID-19 at nag-viral ang kuwento matapos i-post ng kaniyang anak ang kaniyang hinanakit sa gobyerno tungkol dito.

Ayon kay Nieto, hindi tototong P150 lang ang natanggap na hazard pay ni Tess Cruz kung hindi P300 base sa circular na inilabas ng Palasyo.

Ang P300 ay makukuha bukod pa sa suweldong tinatanggap ng mga nurse sa Cainta Municipal Hospital kung saan nagtatrabaho si Cruz.

Screenshot ng Facebook post ni Mayor Nieto

Nakatatanggap na umano ng hazard pay ang nasabing nurse bukod pa sa kaniyang sahod na mahigit P21,000 bago pa man ang pandemiya.

“Sabi ng circular sa national, magtakda ng amount para sa hazard base sa kakayahan ng munisipyo. So 300 a day or 18,000 per employee ang kabuuan ng binigay natin,” paliwanag ng alkalde.

“Kung may hazard na natatanggap ang tao, yung difference idadagdag para mabuo ang 300. Yun ang ginawa ng accounting office. Bukod sa hazard na nakuha niya bilang nurse, dinagdag pa dun yung balanse para maging 300 a day ang hazard pay ng namatay,” dagdag pa nito.

Bakit P300 at hindi P500 ang COVID hazard pay na natanggap?

Ang P500 na hazard pay para sa mga medical fronliners ay narinig ng karamihan base sa anunsiyo ng DOH at mga balita mula sa radyo, telebisyon at pahayagan.

Ito ay nakapaloob sa Administration No. 26 kung saan nasasaad na sinumang nagtatrabaho sa mga pampublikong ahensiya (NGAs, SUCs, GOCCs) na pumasok sa kanilang trabaho habang may pandemiya ay makatatanggap ng “P500 X no. of days physically reporting for work during the quarantine period.”

Screenshot ng Facebook post ni Mayor Nieto

Subalit nakapaloob din dito na ang sinumang tumatanggap na ng hazard pay o katulad na benepisyo ay maaaring patuloy pa ring tumanggap nito o kaya ay ang COVID hazard pay, alinman ang mas mataas sa dalawa.

Lingid din sa kaalaman ng iba, isa pa sa probisyon ng hazard pay na nakapaloob sa AO 26 ay ang pagbibigay ng kapangyarihan sa NGAs o SUCs na magtakda ng mas mababa sa P500 na halaga kung sakaling kapos sila sa pondo.

“Should an NGA or SUC have insufficient or MOE allotments, as the case may be, to fully cover the COVID-19 Hazard Pay at the rate of P500 per day per person, a lower but uniform rate may be granted for all qualified personnel,” anito.

Samakatuwid, ang hazard pay na natanggap ng anak ni Tess Cruz ay ang diperensiya ng dati niyang hazard pay (P239/day ayon sa ibang ulat) at ng P300 na itinakda ng lokal na pamahalan. Ito ay sumakto sa sinabi ng anak sa kaniyang post na P60+ na lamang kada araw.

Tumangging magpa-swab test?

Sa isyu ng swab test kung saan binanggit ni Joie Cruz sa kaniyang post na tinanggihan umano ang kaniyang ina, eto naman ang sagot ni Mayor Nieto verbatim:

“Hindi din totoo na tinanggihan siya sa request ng swab. Siya ang nagdecide na i cancel ang request dahil maganda na daw ang pakiramdam niya. Nilagay ko na ang text convo para mabasa ninyo at maintindihan. Sila sila pa ba naman ang hindi magtutulungan eh sila sila rin naman ang nasa ospital.”

Screenshot ng Facebook post ni Mayor Nieto

“Hindi na assign sa covid ward ang nasabing nurse. Hindi rin siya na assign na mag-alaga ng covid patient. Dahil sa kanyang history ng ailments, sa pedia ward siya nilagay ng hospital director.”

Nagbigay na rin umano ng P50,000 ang lokal na pamahalaan ng Cainta sa naulilang pamilya at nakausap na rin ng alkalde ang anak na nagbahagi ng post sa Facebook.

Dahil nahati ang opinyon ng publiko sa isyu ng ganitong kalituhan sa hazard pay, sana ay matuldukan na ang usapin at bigyang kapayapaan na ang pamilya Cruz dahil narinig na ang panig ng bawat isa.

Loading…