Mayor Sara dismayado sa grand wedding sa Davao City matapos magpositibo sa COVID ang isang guest

Imahe mula sa PNA
  • Nagdaos ng marangyang kasalan ang isang prominenteng pamilya sa Davao City kamakailan
  • Natuklasan na nagpositibo sa COVID-19 ang isang bisita na dumalo sa naturang pagtitipon
  • Dismayado si Mayor Sara Duterte sa pangyayari at ipinag-utos na ang agarang contact tracing

Ipinag-utos na ng pamahalaang lungsod ng Davao ang contact tracing para mga bisitang dumalo sa isang magarbong kasalan kamakailan matapos magpositibo sa coronavirus ang isang guest doon.

Base sa ulat ng GMA News, nagpahayag ng pagkadismaya si Mayor Sara Duterte dahil mistulang binalewala ang kaniyang paalala na iwasan muna ang malalaking pagtitipon dahil posible itong maging mitsa ng pagkalat ng virus.

Ang grand wedding umano ay kinabibilangan ng miyembro ng mga prominenteng pamilya sa lungsod.

Imahe sa Facebook – City Government of Davao

“I wanted to tell them, ‘I told you so,’ but I’d rather not. The party happened, and guess what? Someone tested positive and now we have to do this contact tracing when it could have been avoided,” anang alkalde sa kaniyang live broadcast sa Davao City Disaster Radio nitong Martes.

Dati nang naglabas ng kautusan ang alkalde sa ilalim ng Executive Order No. 25 noong Abril kung saan pinapaalalahanan ang publiko na gawing ‘low key’ at simple lamang ang mga pribadong pagtitipon ng pamilya at limitahan lamang ang mga bisita sa 25 katao.

“Kinausap na ang organizer na, ‘Look, what you are planning is really, ah, yung delikado yes, risky because it can possibly be a source of spread sa infection sa COVID-19,” ayon kay Mayor Sara.

Screenshot mula sa YT video ng GMA News

Sa kasalukuyan, isinasagawa na ang contact tracing para sa lahat ng bisita, suppliers, organizers at miyembro ng pamilyang dumalo sa nasabing kasalan.

Pinag-aaralan na rin ang maaaring pagpapanagot sa pamilyang sangkot at sa organizer ng kasal dahil sa paglabag sa pinaiiral na health protocol.

Nakiusap rin ang alkalde sa publiko na sana ay bigyang-halaga ang mga sakripisyong ginagawa ng mga medical frontliners at health care workers na patuloy na nakikipaglaban sa COVID-19 at inilalagay ang kanilang sarili sa panganib araw-araw.

Loading…