Medical frontliners umapelang ibalik sa ECQ ang Metro Manila; Senadora Cynthia Villar, tutol dito

  • May apela ang kapisanan ng mga health workers at medical frontliners
  • Sana raw ay ibalik muna sa ECQ ang NCR upang makapagpahinga naman sila, bagay na tinutulan naman ni Senadora Cynthia Villar
  • Pagod na pagod na raw ang mga itinuturing na bayani ng kasalukuyang panahon ng pandemya, kaya nangako si DOH Secretary Duque na aaksyunan ang mga hinaing nila

Umapela ang mga medical frontliners na muling isailalim ang Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ), kahit dalawang linggo lamang, upang mabigyan ng kahit kaunting oras ang mga health workers na makapagpahinga at makabawi ang mga pagal na katawan, isipan, at emosyon mula sa lubhang pagkapagod.

Ayon sa panayam ng “Dobol B sa News TV” kay Philippine College of Physicians Vice President Dr. Maricar Limpin, napansin nilang simula nang lumuwag ang mga community quarantines, lalo lamang lumobo ang bilang ng kaso ng mga nagpopositibo sa COVID-19. Hindi na nakapagpapahinga ang mga medical health workers sa mga ospital. Kailangan umano nila kahit saglit na breather upang makabawi-bawi naman.

Public Domain Image

“Ang gusto natin ay magkaroon muna tayo ng breather kasi kung mapapansin ninyo, magmula nang nag-relax tayo ng community quarantine from ECQ to modified, doon nag-umpisa na umakyat ang dami ng nagkakaroon ng COVID-19,” ani Limpin.

“We propose that the two-week ECQ be used as a time out to refine our pandemic control strategies,” saad naman ni Philippine College of Physicians President Mario Panaligan sa panayam ng CNN Philippines.

Sa isa namang press conference, nanawagan naman si Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Jose Santiago na magsilbing time-out ang ECQ  upang maisaayos pa ang mga estratehiya ng pamahalaan upang makontrol o maresolba ang suliranin sa pandemya.

“We proposed that this ECQ be used as a time out to refine our pandemic control strategies, addressing the following urgent conditions: hospital workforce efficiency, failure of case finding and isolation, failure of contact tracing and quarantine, transportation safety, workplace safety, public compliance with self-protection, social amelioration,” saad ni Santiago.

Binanggit niyang sumulat na sila kay Pangulong Duterte upang mapakinggan ang kanilang hinaing.

Public Domain Image

Matapos nito, inutusan ni Pangulong Duterte ang Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases, na agarang kumilos upang maaksyunan ang concern na ito sa lalong madaling panahon.

“Your voices have been heard. We cannot afford to let down our modern heroes. This is our commitment,” saad naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang pahayag.

Nangako naman si Department of Health o DOH Secretary Francisco Duque III na ihahain niya sa pangulo at IATF  ang apela ng mga health workers at medical frontliners.

“Fellow health workers, please know that as the Secretary of Health, I hear your pleas—and I will present these to the IATF. We have noted in particular your call for a time-out for the NCR,” aniya.

Samantala, tila hindi naman pabor si Senadora Cynthia Villar na muling mag-ECQ dahil maaapektuhan naman daw ang ekonomiya ng bansa.

Sa isang kontrobersiyal na pahayag, sinabi niyang pagbuthin na lamang daw ng mga medical frontliners ang kanilang mga trabaho dahil kung hindi mapapahamak ang mga tao sa COVID-19, mapapahamak naman sila sa gutom.

Public Domain Image

“May time in our lives na ikaw talaga ang mapapagod. Iba-iba naman ang kalamidad. So itong kalamidad na ito ang mapapagod dito ang health frontliners natin. Iba iba ‘yan, but I guess we need to work hard,” kontrobersiyal na pahayag ng senadora; bagay na nagdulot ng negatibong reaksyon at komento mula sa mga tao.

Samantala, wala pang ulat kung mapagbibigyan ang apelang ito ng mga medical frontliners, na pansamantalang isailalim sa ECQ ang NCR mula Agosto 1 hanggang Agosto 15, 2020.

Loading…