Meralco pinagmumulta ng P19-M dahil sa ‘bill shock’

Imahe via DF Balita
  • Pinagbabayad ng ERC ang Meralco ng P19-M bilang multa dahil sa ‘bill shock’
  • Hindi umano naipaliwanag nang maayos ng Meralco ang kanilang ‘estimated billing’ nitong lockdown
  • Iginiit naman ng isang consumer group na dapat ay kustomer ang makinabang sa multa

Pinagbabayad ng Energy Regulation Commission (ERC) ang Meralco ng halagang P19-M bilang multa umano dahil sa kabiguan nito na maipaliwanag nang maayos sa konsyumer na estimated lamang ang kanilang billing noong lockdown na nagresulta sa ‘bill shock.

Dahil dito, nilabag umano ng power distribution company ang direktiba ng ERC na inilabas tungkol dito para sa buwan ng Mayo hanggang Hulyo. Bukod dito, binalewala rin daw ng Meralco ang kanilang kautusan hinggil sa installment payment scheme.

Imahe mula sa Center for Energy, Ecology and Development

“Meralco’s neglect to provide accurate and timely information especially during this time of pandemic has created chaos and confusion to most of the electricity consuming public,” ani ERC Chairpersom Agnes Devanadera.

Magugunitang maraming konsyumer ang nagulat sa kanilang Meralco billing para sa buwan ng Mayo hanggang Hunyo dahil halos triple ang halaga nito kaysa sa kanilang inaasahan.

Bagama’t nagpaliwanag na ang Meralco, marami pa rin ang dismayado lalo pa’t nagpatong patong na ang kanilang billing na hindi naman nila maintindihan.

Samantala, hiniling ng isang consumer group na dapat mapunta sa customer, at hindi sa gobyerno, ang multang sisingilin ng ERC.

Imahe mula sa Twitter/ Alvin Elchico

Ayon kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, dapat ay konsyumer ang makinabang sa multa lalo pa’t sila naman ang nahirapan dahil sa ‘bill shock’.

“Gumawa po ng paraan ang ERC na papaano ipapasa sa konsumer iyong imumulta kay Meralco,” ani Dimagiba sa panayam ng DZMM.

Samantala, ipinag-utos din ng ERC sa Meralco na ‘wag nang sisingilin ng distribution, supply, at metering charges ang mga lifeline customers o yaong kumukonsumo ng hindi lalagpas sa 100 kWh kada buwan.

Loading…