Metro Manila handa nang bumalik sa GCQ – Lorenzana

Imahe mula sa UNTV
  • Handa na raw bumalik muli sa GCQ ang Metro Manila, ayon kay NTF chief Lorenzana
  • Pababa na umano ang trend ng COVID-19 cases nitong mga nagdaang araw
  • Tutukan na lang ng gobyerno ang mga lugar na kritikal at patuloy na tumataas ang bilang ng nahahawaan

Makaraan ang labinlimang araw, handa na raw muli ang Metro Manila na bumalik sa mas maluwag na general community quarantine o GCQ; ito ang iginiit ni National Task Force (NTF) chief Delfin Lorenzana.

Matatapos na ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa darating na Agosto 18 makaraang ideklara ito ng Malakanyang bilang sagot sa kahilingan ng mga medical frontliners.

Ayon kay Lorenzana, pababa na ang trend ng bilang ng kaso ng COVID-19 nitong mga nagdaang araw base sa datos ng pamahalaan.

Imahe mula sa DND Facebook

“Yeah, I think the trend is going down. Yesterday mga 3,000 na lang ‘yung bagong kaso down from 6,000 previously,” paliwanag ni Lorenzana.

Para sa ipatutupad na second phase ng national action plan para sa pagsugpo ng COVID-19, hindi na umano isasailalim sa lockdown ang buong bayan o lungsod bagkus ay kailangan lamang na matukoy ang mga lugar na kritikal upang ito ang matutukan.

“I think we are ready to go down, we cannot continue with the MECQ kasi nga alam na natin nasaan ‘yung areas na may infection. ‘Yun lang ang tutukan natin so that the others can also go to work,” ayon pa sa opisyal.

Binisita na rin umano nila ang mga lugar tulad ng Laguna at Pateros kung saan may patuloy na pagtaas ng bilang ng nahahawaan at kinonsulta na nila ang mga lokal na opisyal doon upang malaman ang dahilan nito.

Imahe mula sa MMDA Facebook

Kabilang sa nadiskubre ng kanilang pagsisiyasat, tulad sa Laguna, ay dahil ilang negosyo ang hindi nagpapatupad ng mahigpit na social distancing at health protocol sa kanilang mga empleyado na nagtitipon tipon sa canteen o smoking area.

Sa oras na umuwi umano sa kanilang pamilya ang mga empleyadong ito na hindi namamalayang nadapuan na sila ng virus, tiyak madadamay ang lahat ng kanilang kasama sa bahay.

Sa pinakahuling tala ng DOH, umabot na sa 129,913 ang bilang ng kaso ng coronavirus sa bansa matapos madagdagan ng panibagong 3,109 na kaso nitong Linggo, Agosto 9; pinakamarami dito ay sa NCR na mayroong 71,145.

Loading…