Metro Manila mayors pabor na ma-extend ang MECQ, pero UP Expert nagsabing hindi na ito kailangan

Imahe mula sa Navotas City LGU
  • MECQ sa Metro Manila nais pang palawigin ng Metro Manila mayors hanggang August 31
  • Ang ipinatupad na two weeks na MECQ sa Metro Manila ay matatapos na sa August 18
  • Sinabi naman ng UP expert na hindi na kailangan ang MECQ sa Metro manila dahil bumababa na ang bilang ng COVID-19 cases sa rehiyon

Karamihan sa mga mayor sa Metro Manila ay pabor sa ideya na palawigin pa ang modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang sa katapusan ng Agosto, ngunit posible pang magbago ang isip nila pagkatapos ng gagawing pakikipagpulong sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Imahe mula sa Navotas City LGU

Nakatakda ang meeting ng Metro Manila Council (MMC), na binibuo ng lahat ng Metro Manila mayors, at IATF sa Linggo, ika-16 ng Agosto.

Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, chairman ng MMC, malaki ang posibilidad na isailalim sa general community quarantine (GCQ) ang buong Metro Manila sa August 19, ngunit magkakaroon lang ng katiyakan ang ipaiiral na quarantine classification pagkatapos ng nakatakdang pagpupulong. Ang deadline ng umiiral na MECQ ay hanggang August 18.

Kaugnay nito, sinabi ng isang research expert mula sa University of the Philippines (UP) na hindi na kinakailangan ang MECQ sa Metro Manila.

Sinabi ni Professor Guido David, miyembro ng UP-OCTA Research team, na nagpa-flatten na ang curve o  bumabagal na ang pagdami ng COVID-19 cases sa Metro Manila. Epektibo raw ang ginawang pagpapairal ng MECQ.

Ang ibig sabihin ng flattening of the curve ay kapag mas marami ang nakaka-recover kaysa sa new cases.

“Alam ko, siguro naalarma ‘yung mga ibang tumitingin ng data ‘pag naririnig natin ‘yung 6,000 cases, pero ‘yung iba doon actually backlog. ‘Pag tinitignan natin talaga ‘yung trend sa test results sa mga test centers, talagang bumababa naman,” anang UP expert.

Screenshot mula sa video ng OnePH

Aniya, positibo ang kanyang pananaw sa bagong istratehiya ng gobyerno na magpatupad ng localized lockdown.

“We are actually optimistic dito sa magiging strategy ng government, kahit mag GCQ tayo, tingin natin mame-maintain ’tong trend natin na pababa,” paliwanag niya.

Bilang paghahalimbawa ng matagumpay na localized lockdown, binanggit ni Dr. David ang kaso ng Cebu City kung saan ang 300 new COVID-19 cases kada araw ay bumaba sa 90 na lang.

“Sa Cebu, GCQ na sila pero bumababa pa rin, so what worked in Cebu City, i-a-apply natin sa Metro Manila,” aniya.

Sabi pa niya, makatutulong ang mahigpit na implementasyon ng mandatory wearing of face shields, mas marami pang random testing at isolation sa pagbaba ng COVID-19 cases kung isasabay ito sa localized lockdown.

Imahe mula sa Press Reader

 

Loading…