Mga baka napunta sa bubong dahil sa baha, pag-rescue pahirapan

Imahe mula sa Pawsitive Club
  • Na-stranded sa mga bubong ang ilang baka dahil sa malawakang pagbaha sa isang farming town sa South Korea
  • Naglutangan sa tubig-baha ang mga baka at napilitang umakyat sa mga bubong upang makaligtas
  • Nang humupa ang baha, kinailangang gumamit ng malaking crane ang mga rescuers upang maibaba mula sa bubong ang mga baka

Dose-dosenang mga baka ang na-stranded sa mga bubungan ng ilang bahay sa isang farming town sa South Korea dahil sa malawakang pagbaha bunsod ng ilang linggong malakas na pag-ulan.

Imahe mula sa Pawsitive Club

Naglutangan ang mga baka nang lumaki ang tubig-baha noong Linggo, August 9, sa Gurye, isang farming town sa katimugang bahagi ng South Korea. Nagsi-akyatan ang mga ito sa bubong ng ilang bahay at gusali sa lugar upang hindi tangayin ng malakas na agos.

“The cows were swimming as the water level surged and made their way up onto the roof and stayed there even after the floodwaters subsided,” ayon sa isang residente ng lugar.

Hindi na makababa mula sa bubong ang mga baka nang humupa ang delubyo. Nakunan pa ng ilang larawan  ang mga hayop na ang iba ay tila tuliro at nalilito.

Sa simula ay hindi malaman ng mga rescuers kung ano ang kanilang gagawin upang maibaba ang mga baka, pero sa kalaunan ay nagdala sila ng isang malaking crane at isa-isang itinali at dahan-dahang ibinaba ang mga hayop.

Imahe mula sa Channel News Asia

Tagumpay ang rescue operation at ligtas na naibalik sa kanilang kulungan ang mga baka ngunit ang ilan sa kanila ay nakitaan ng sintomas ng pneumonia.

Kinumpirma ng isang beterinaryo na nag-volunteer sa rescue operation na nagkasakit nga ang ilan sa mga baka.

 

Loading…