Mga nawalan ng trabaho sa Cebu bibigyan ng ayuda para makapagsimula ng negosyo

Imahe mula sa TycoonPH
  • Bibigyan ng Cebu provincial government ang mga Cebuano na nawalan ng kabuhayan ng negosyo kits upang makapagsimula ng munting business
  • Ang negosyo kits ay mga coupon na maaaring ipalit ng mga produktong ititinda na nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P10,000
  • Sa September 8, 2020 sisimulan ang application para sa ayuda
  • Bibigyan ng prayoridad ang mga residenteng nasa “lowest 20% income group”

Pagkakalooban ng Provincial Government ng Cebu ng ayuda ang mga Cebuano na nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya upang makapagsimula ang mga ito ng maliit na negosyo.

Imahe mula sa Provincial Government of Cebu

Sa pakikipagtulungan sa Department of Trade and Industry Region VII (DTI-7), ang pamahalaang lokal ng Cebu ay mamamahagi ng mga negosyo kits  sa “lowest 20% income group” na nawalan ng trabaho – lokal man o international.

Ang negosyo kits ay mga coupon na magsisilbing kapital sa pagsisimula ng munting negosyo. Maaari itong ipagpalit ng mga produktong ititinda na nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P10,000.

Ayon kay Cebu Governor Gwendolyn Garcia, tinatayang aabot sa 80,000 Cebuanos mula sa pitong distrito ang mabebenepisyuhan ng programang tinawag na “Micro-business Assistance Program.”

Ang DTI ang magbibigay ng technical-assistance sa proyekto. Tutulong din ang ahensya sa proseso ng pagpaparehistro ng bubuksang negosyo ng mga beneficiaries kabilang ang business name registration, barangay micro-business enterprise registration, at pagkuha ng mayor’s permit.

Imahe mula sa TycoonPH

Popondohan ng P100 million ang programa.

Ang application para makatanggap ng negosyo kit ay maaaring gawing online o offline. Bukas ito sa mga Cebuanong may edad 18. Sisimulan ito sa September 8 at maaaring tumagal hanggang sa ikalawang linggo ng Oktubre.

Target simulan ang pamamahagi ng negosyo kits simula third week ng October. Sa Nobyembre naman ang simula  ng pagmomonitor sa mga negosyo ng mga beneficiaries.

Ayon kay DTI Assistant Secretary Asteria “Aster” Caberte, ang programa ay bukas din para sa mga may-ari ng maliliit na negosyo na lubos na naapektuhan ng health crisis.

Imahe mula sa iFranchise Philippines

Loading…