Mga pulis sa CamSur pinakyaw ang tindang gulay ng batang babae para makauwi na ito

Mga imahe mula sa Facebook post ni Rolyn Garbo
  • Pinakyaw ng mga pulis ang lahat ng panindang gulay ng isang batang babae sa Camarines Sur
  • Nakita ang batang nagtitinda sa tabi ng kalsada na halos walang kabahayan
  • Humanga ang mga netizens sa ginawa ng mga pulis dahil patunay daw ito na marami pa ring matitino at mababait sa kanilang hanay

Umani ng papuri at paghanga sa social media ang ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa Pili, Camarines Sur dahil sa kabutihang-loob na ipinakita ng mga ito para sa isang batang babaeng nagtitinda ng gulay sa tabi ng kalsada.

Ayon sa Facebook post ni Rolyn Garbo, natiyempuhan niya ang batang babae na nagbebenta ng gulay sa tabi ng daan sa tila ilang na lugar na halos walang kabahayan.

Imahe mula sa Facebook ni Rolyn Garbo

Binalikan umano nila ang bata upang bilhan ng gulay subalit pagdating niya ay naroon na ang mga pulis na pinapakyaw na ang lahat ng tindang sitaw.

Bukod dito, pinaalalahanan din ng mga awtoridad ang bata sa kaniyang seguridad lalo pa’t panahon ng pandemiya ngayon bukod pa sa hindi ligtas ang lugar.

“Babalikan sana namin nang makita namin ang mga pulis na ito na pinakyaw lahat ng paninda ng bata sa lugar at pinaalalahanan ito sa seguridad lalo at menor de edad at babae ang bata na nasa tabing kalsada at walang kabahay bahay,” kuwento ni Rolyn sa kaniyang post.

Imahe mula sa Facebook ni Rolyn Garbo

“Keep up the good work, mga madam sir,” dagdag pa niya.

Inihatid din umano nila ang bata sa kanilang bahay para masiguro ang kaniyang kaligtasan.

Humanga naman ang mga netizens sa mga pulis dahil sa kanilang ipinakitang pagmamalasakit sa batang marahil ay kailangang kumita upang makatulong sa kaniyang pamilya.

Imahe mula sa Facebook ni Rolyn Garbo

“Good job, mga sir maam.. Saludo ako sa mga ganitong pulis.. Gabayan kano God sa mga mabubuting gawahin nuo sa mga tao.. Malaking tulong na yan sa kanila, mga sir maam…” papuri ng isang commenter.

“Nakakapaiyak, mga sir at ma’am, tagos sa puso sana all salute you and god bless po sa inyo,” dagdag naman ng isa pa.

Marami ang natuwa sa ginawa ng mga pulis dahil patunay daw ito na marami pa ring matitino at mababait sa kanilang hanay.

Loading…