Mga residente ng San Pablo City gagamit ng “distance stick” bilang proteksyon sa COVID-19

Imahe mula sa San Pablo City LGU
  • Distance stick para iwas COVID-19 ipinakilala ng San Pablo City government
  • Ang distance stick ay may habang isang metro at may clip sa dulo na maaaring gamiting pang-ipit ng perang papel
  • Libreng ipamamahagi sa mga residente ang distance stick simula sa September

Opisyal na ipinakilala ng pamahalaaang panglungsod ng  San Pablo, Laguna sa National Task Force Against COVID-18 at sa Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) team ang bago nitong istratehiya upang maiwasan ang pagkahawa sa COVID-19.

Imahe mula sa San Pablo City LGU

Sa isang event na isinagawa noong nakaraang linggo, ipinakita ng San Pablo City ang “distance stick” na magagamit para sa mas epektibong physical distancing.

Ang stick ay may habang isang metro na magsisilbing paalala sa mga residente sa kahalagahan ng physical distancing sa pag-iwas sa coronavirus. Yari ito sa polyvinyl chloride o PVC. May clip ito sa isang dulo na pang-ipit sa perang papel kung may bibilhin sa mga tindahan. Maaari rin itong gamiting pantulak sa mga pintuan.

Ayon kay city information officer Leo Abril, naka-print sa distance stick ang personal information ng may-ari nito. Meron din itong QR code para sa mas mabilis na contact tracing. Ito umano ang ipapalit sa quarantine pass.

Libo-libong distance sticks ang kasalukuyang inihahanda ng San Pablo City na libreng ipamamahagi sa mga residente simula sa susunod na buwan ng Setyembre.

Screenshot mula sa RTVM video

Ang paglulunsad ng distance stick ay idinaan ng San Pablo City sa pamamagitan ng isang dance presentation na nagpapakita kung paano iyon ginagamit na panlaban sa virus, na binigyang-buhay ng isang mascot na tinawag na “Mr. Covid.”

Loading…