Mga residente sa Northern Samar kalbaryo ang dinaranas sa pagtungo sa pamilihan dahil sa sira-sirang tulay

Screenshot mula sa Balitambayan video
  • Ang ginagawang pagtawid ng mga residente sa isang hanging bridge na sira-sira na ay maituturing nang buwis-buhay 
  • May bangka namang masasakyan subalit ang P30 na pamasahe ay malaki para sa mga residenteng maliit lang ang kita
  • May pondo na sana para sa repair ang sirang hanging bridge pero nagamit iyon sa COVID-19 response

Malaking kalbaryo ang dinaranas ng maraming residente sa isang barangay sa Northern Samar sa tuwing may kailangang bilhin sa tindahan o kaya’y pumunta sa kanilang mga taniman  dahil napipilitan silang tumawid sa isang sira-sirang hanging bridge na delikado nang gamitin.

Screenshot mula sa Balitambayan video

Mayroon namang bangka na masasakyan para makatawid sa kabilang baybay, subalit ang halagang P30 na singil kada pasahero ay mabigat para sa mga taga-Barangay Ginulgan sa bayan ng Pambujan, Northern Samar na maliit lang ang kinikita.

Hindi biro ang panganib na sinusuong ng mga residente sa tuwing tumatawid sa tulay dahil may taas iyon na 50 talampakan at ang ilog ay malalim, lalo na kapag malakas ang agos ng tubig.

Taong 2012 nang gawin ang hanging bridge na yari sa kable at mga bakal. Ang tapakan nito ay gawa sa steel matting na bumigay at nagkabungi-bungi na matapos kalawangin dahil sa tagal ng panahon at mga pag-ulan.

Ayon sa punong barangay ng lugar na si Emilo Campomanes, Sr., mahina ang pagkakadisenyo ng tulay. Aniya, wala man lang framing ang steel matting na tinatapakan kaya madaling bumigay.

Screenshot mula sa Balitambayan video

Ipinasara na raw ang tulay at hindi ipinagagamit dahil nga delikado, sabi ni Kap. Camponmanes, pero kapag walang nagbabantay ay tumatawid pa rin ang mga tao.

“Kaya lang ’pag wala raw ‘yung pusa, labas lahat ang daga,” aniya.

Bukod sa bangkang masasakyan, may iba pang ruta na maaring daanan ang mga taga-Barangay Ginulgan, subalit aabutin ng hanggang apat na oras ang paglalakad bago marating ang lugar na pupuntahan sa kabilang ibayo kaya nagtitis na lang sila sa nasabing hanging bridge kahit nalalagay sila sa panganib.

Screenshot mula sa Balitambayan video

Nanawagan ang mga residente sa gobyerno na sana ay maayos na ang tulay.

May pondo na raw para sa repair ng tulay na nakatakda sana ngayong taon, ayon kay Engineer Amancio Acedera ng Municipal Engineering Office, ngunit nagamit iyon sa COVID-19 response.

Tiniyak niya na sa 2021 ay maibabalik ang nasabing pondo para sa pagsasaayos ng hanging bridge.

Screenshot mula sa Balitambayan video

Loading…