Mga taong may tangkad na 6 ft pataas, mas malaki ang posibilidad na tamaan ng COVID, ayon sa pag-aaral

Imahe mula sa Inside Asian Gaming
  • Mas madali raw mahawa ng virus ang mga taong may taas na 6 feet pataas
  • Ito ang lumabas sa resulta ng pinakahuling pag-aaral sa UK at US
  • Ang dahilan ay dahil mas mas madaling mahawa umano ang mga matatangkad sa pamamagitan ng aerosol transmission

Mas malaki ang posibilidad na tamaan ng coronavirus ang mga matatangkad na tao; ito ang lumabas sa isinagawang pag-aaral ng mga eksperto mula sa United Kingdom, Estados Unidos at Norway na pinagunahan ng mga siyentipiko ng University of Oxford.

Ang datus na pinagkunan ay mula sa survey ng 2,000 katao mula sa UK at US kung saan lumalabas na ang mga may taas na 6 na talampakan (6 feet) pataas ay mas madaling dinapuan ng COVID-19.

Nilinaw naman sa pag-aaral na hindi ito nangangahulugan na ang matatangkad na tao ay mas ‘genetically vulnerable’ kumpara sa mas mababa sa kanila.

Imahe mula sa Assay Genie

Sa halip ay naniniwala ang mga eksperto na mas madaling mahawa ang matatangkad na tao sa pamamagitan ng aerosol transmission. Ang aerosol ay mas mabilis mabuo sa mga ‘poorly ventilated areas’ at mabilis ding naikakalat sa pamamagitan ng hangin dahil mas tumatagal ito sa ere.

“Taking both samples together, being tall more than doubled the probability of having a COVID-19 medical diagnosis or positive test for people over 6 feet,” ayon sa nasabing pag-aaral.

Samantala, ang droplet kung ikukumpara sa aerosol, ay mas mabigat at pinaniniwalaang hindi kayang dalhin ng hangin nang malayo at mabilis itong mahulog sa ibaba.

“The data in both countries, argue the researchers, could suggest that aerosol transmission is very likely, with taller individuals at higher risk – something that would not be expected if transmission was exclusively through droplets,” ayon pa dito.

Imahe mula sa Web MD

Ang resulta ng pag-aaral, kapag pormal nang inilabas na may kaukulang pagsangayon mula sa iba pang mga eksperto, ay magpapalakas sa teoriya na bukod sa droplets, ang coronavirus ay posibleng airborne na rin.

Nauna nang pinabulaanan ng World Health Organization (WHO) na kumakalat ang virus sa pamamagitan ng airborne. Subalit nitong nakaraang mga linggo, inamin din ng WHO na may lumalabas na ebidensiyang naikakalat din ito sa hangin.

Dagdag pa ng pag-aaral, bagama’t importante pa rin ang physical distancing at pagsuot ng face mask para mapigilan ang pagkalat nag virus, kailangan na ring pag-aralan umano ang ‘air purification’ sa mga interior spaces para doble proteksiyon.

Loading…