Michael V. bumubuti na ang kalagayan; magdo-donate ng plasma kapag gumaling na

Screenshot mula sa GMA News video
  • Bumubuti na ang lagay ni Michael V. at hinihintay na lang niya na matapos ang quarantine
  • Bumabalik na raw ang kaniyang pang-amoy kahit hindi pa ito 100 porsiyento
  • Plano ring mag-donate ng plasma ng komedyante oras na tuluyan na siyang gumaling

Unti-unti nang bumubuti ang kalusugan ni Michael V. pagkatapos ng dalawang linggo simula nang ianunsiyo niya sa kaniyang You Tube vlog na dinapuan siya ng coronavirus.

Sa pinakahuling panayam kay Bitoy ng GMA News, ibinahagi ng komedyante na halos wala na siyang nararamdamang sintomas ng COVID-19 habang pansin naman  na tila bumalik na ang sigla sa kaniyang mukha.

Napansin niya umano na bumalik na ang kaniyang pang-amoy kahit hindi pa ito 100 porsiyento; kuwento ng comedian-singer.

Screnshot mula sa GMA News video

Ganun pa man, nagpaalala pa rin si Michael V. na huwag maging kampante ang publiko dahil kahit sino umano ay maaaring tamaan ng virus. At kung sakali man na magpositibo sa COVID-19, payo ng komedyante na maging matatag.

“We’ve been through worse”: Michael V. nagpositibo sa COVID-19

“Isa sa mga pangunahing contributor ng COVID is ‘yung stress. So talagang dapat pagkanakaramdam ka, kapag may symptoms ka, nagpa-test ka at positive ka dapat gumawa ka ng paraan para hindi ka ma-stress during the time na naka-quarantine ka,” aniya.

Plano rin ni Bitoy na mag-donate ng kaniyang plasma sa oras na tuluyan na siyang gumaling sa sakit.

Screenshot mula sa You Tube

“‘Pag completely naka-complete na ako nu’ng 14 days I think the responsible thing to do is just that, mag-donate para makatulong sa ibang mga kababayan natin at makatulong sa siyensiya,” bahagi ni Michael V.

Sa kasalukuyan ay tinatapos na lang ng komedyante ang kaniyang 14-day quarantine para makalabas na siya at makabalik sa normal ang kaniyang buhay.

“Siguro kahit paano may maiambag ‘yung plasma ko, ‘yung dugo ko para makahanap ng gamot or lunas dito sa sakit na ito,” dagdag pa nito.

Unang inanunsiyo ni Bitoy na nagpositibo siya sa COVID-19 noong Hulyo 20. Idinokumento pa niya ang kaniyang karanasan sa kaniyang vlogs sa You Tube channel.

Loading…