Michael V gumaling na sa COVID; nilinaw ang hinala kung saan nakuha ang virus

Screenshot mula sa YT vlog ni Bitoy
  • Gumaling na sa COVID-19 si Michael V at natapos na rin ang kaniyang quarantine period
  • Nagpasalamat siya sa lahat ng sumuporta sa kaniya habang nagpapagaling
  • Nilinaw niya rin ang kaniyang sinabi noon tungkol sa kung saan niya posibleng nakuha ang virus

Gumaling na si Michael V matapos ang ilang linggo simula nang dapuan ng COVID-19 noon nakaraang buwan. Natapos na rin ng komedyante ang kaniyang quarantine period sa loob ng kanilang tahanan.

Nitong Lunes, muling nag-upload si Bitoy ng kaniyang pinakahuling vlog kung saan pinasalamatan niya ang kaniyang pamilya at lahat ng sumuporta sa kaniya habang pinagdaraanan ang isa sa pinakamabigat na pagsubok sa kaniyang buhay.

Nagpasalamat din ang singer-host sa mga nagpadala ng fan art sa kaniya habang siya ay nakikpaglaban sa virus. Lahat ng kaniyang natanggap umano ay itinatago niya.

Screenshot ng YT vlog ni Bitoy

Ibinahagi ng komedyante na ang isa sa mga anak niya ang dinapuan ng lagnat at nakaranas ng pagdudumi, subalit gumaling din umano ang bata matapos ang ilang araw kaya malaki ang kaniyang pasasalamat na hindi ito nauwi sa COVID.

Sinagot din ng ‘Bubble Gang’ host ang tanong ng isang fan kung ano ang naramdaman niya noong tamaan ng virus at kung ano-anong gamot ang ininom niya.

“Ang pinaka-obvious na pagbabago sa katawan ko ay ‘yung pabalik-balik na fever na 37.8 (degrees) or above, loss of smell saka ‘yung panlasa, at saka yung pagod,” kuwento ni Bitoy.

Screenshot mula sa YT vlog ni Bitoy

“Iyong fever every 4 hours ko paracetamol lang ang katapat,” dagdag pa nito.

Isa rin umano sa natutunan niya habang nasa quarantine ay ang iwasan ang ma-stress. Kailangan lang daw humanap ng mapaglilibangan dahil mas maraming stress, mas matagal ang paggaling.

Mayroon ding nagsabing ‘double-meaning’ daw ang kaniyang sinabi dati kung saan niya nakuha ang virus – sa delivery rider ba o sa package. Apektado raw kasi ang delivery simula noong mabalita sa TV ang sinabi niya sa kaniyang vlog, ayon sa isang nagtanong.

“Malinaw naman ‘yung sinabi ko, wala namang double-meaning. Ang sinabi ko, duda ko, duda ha, hindi factual so pwedeng tama, pwedeng mali,” paliwanag ni Michael V.

Screenshot ng YT vlog ni Bitoy

“Ang duda ko eh sa deliveries ko nakuha ko ‘yung virus. Isipin n’yo ha, bago umabot sa’kin ‘yung delivery, nanggaling ‘yan una, sa seller. Pangalawa, sa logistics facilities. Pangatlo, sa mismong nagde-deliver. Pang-apat, sa guard sa lobby. Pang-lima, sa kasambahay namin. At pang-anim, d’un sa mismong item. Lahat ng ‘yan pwedeng mangyari in 24 hours. Lahat ng anim na nabanggit ko, posibleng carrier ng virus eh. Kaya ‘yung buong proseso ng delivery, ‘yun ang pinagdududahan ko at hindi iisang tao lang,” aniya.

Gayunpaman, nilinaw ni Bitoy na patuloy pa rin ang kaniyang pagtanggap ng mga delivery.

Panoorin ang kaniyang vlog:

Loading…