
- May hinala si Michael V kung saan niya nakuha ang coronavirus
- Posible umanong galing ito sa mga deliveries na hindi na-sanitize
- Kaya payo niya sa publiko na mag-doble ingat at tiyaking i-sanitize ang mga deliveries
Nitong Lunes, muling napanood si Michael V sa kaniyang vlogs sa You Tube at makikitang bumalik na ang sigla at kulay sa kaniyang mukha, pananalita at disposisyon na ikinatuwa naman ng kaniyang mga tagahanga.
Ilang raw ding idinokumento ni Bitoy ang kaniyang karanasan simula noong siya ay makaramdam ng sintomas ng COVID-19 hanggang sa unti-unti pagbuti ng kaniyang kalagayan.
At sa kaniyang pinakahuling vlog, ibinahagi ni Michael V ang kaniyang suspetsa kung paano siya dinapuan ng virus.

Kuwento ni Bitoy, bumiyahe sila ng kaniyang pamilya patungong Batangas at mayroon siyang nakasalamuhang tatlong tao. Lahat ng kaniyang mga nakasalamuha, kabilang na ang kaniyang pamilya, ay nagnegatibo umano sa virus kaya imposibleng sa Batangas niya ito nakuha.
“So saan ko kaya nakuha yung virus? Ang duda ko sa deliveries,” bahagi ng komedyante.
Michael V. bumubuti na ang kalagayan; magdo-donate ng plasma kapag gumaling na
Nilinaw din ni Michael na lahat ng deliveries ay nakapapasok sa kaniyang studio nang hindi sina-sanitize.
“Pero dahil siguro sa sobrang excited ko na mabuo ‘tong studio ko, palagay ko may mga online deliveries akong nabuksan tapos deretsong ginamit ko na agad,” aniya.

“Sa sobrang atat ko, malamang hindi ko na na-sanitize ‘yung nasa loob nung package. ‘Yun lang ‘yung nakikita kong paraan para makasingit ‘yung virus sa loob ng katawan ko,” dagdag pa ng comedian-host.
Kaya payo niya sa publiko, mag-doble ingat at tiyaking na-sanitize ang mga deliveries bago ito buksan at hawakan.
“Hopefully hindi lang para sa pamilya ko, para sa mga pamilya ninyo na rin,” wika pa niya.
Panoorin ang buong video ni Bitoy: