Misteryosong drumbeats sa Bohol, mga engkanto na nagpa-party-party raw?

Imahe mula sa Pixabay
  • Mahiwagang tunog ng tambol maririnig sa ilang barangay sa Bohol
  • Pinaniniwalaang nagmumula ang tunog sa isang waterfalls na pinananahanan daw ng mga engkanto
  • Nagsagawa ng pag-iimbestiga ang PNP sa lugar ngunit hindi natunton ang pinagmumulan ng misteryosong drumbeats

Palaisipan sa maraming residente sa bayan ng San Isidro sa Bohol ang naririnig na misteryosong mga tunog ng tambol o drumbeats sa kanilang lugar kahit malalim na ang gabi. Ang mahiwagang tunog ay naririnig daw sa apat hanggang limang barangay.

Screenshot mula sa GMA video

Binalot naman ng sindak at takot ang ilang mga naninirahan doon na naniniwalang ang tunog na naririnig ay nagmumula sa isang waterfalls – ang Kilab-Kilab Falls – na ayon sa mga matatanda roon ay pinananahanan ng mga engkanto.

Sinubukan na rin ng pulisya na imbestigahan ang tunog na maihahalintulad daw sa mga tunog na maririnig sa mga disco house, ngunit hindi nila natunton ang pinagmumulan niyon.

“Ang naririnig ko ay para lang ganito – tug, tug tug, tugtug, tugtug. Malakas, sir, maririnig halos ng apat o limang barangay. Wala namang beerhouse dito, walang disco naman,” sabi ni PSSG Marlon Juhasay Hinay ng PNP San Isidro.

Ayon sa Barangay Captain na si Venancio Laquinta, wala namang kumuha ng permit sa kanila upang magsagawa ng disco lalo na’t ipinagbabawal pa rin ang social gathering sa kanilang lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine.

Naniniwala naman ang isang residenteng matagal nang naninirahan malapit sa Kilab-Kilab Falls na nagsimula ang misteryo nang dinevelop ang lugar at binuksan sa publiko. Ilang tao na rin daw ang ‘kinuha’ ng waterfalls. Ang mga tunog na naririnig ay mula raw sa mga engkanto na nagdiriwang kapag may ‘nakuhang’ tao.

Isang residente ang nakapag-record ng misteryosong drumbeats. Ipinasuri iyon ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” (KMJS) team sa isang eksperto.

Ayon sa sound engineer na si Mark Anthony Yulo na kinonsulta ng KMJS team, hindi nagma-match ang tagatak ng waterfalls sa ritmo ng mahiwagang drumbeats. Aniya, posibleng nanggagaling sa mataas at malayong lugar ang tunog.

Screenshot mula sa GMA video

Maaari raw na galing iyon sa isang lugar na 12 hanggang 16 kilometers ang layo mula sa San Isidro.

Paliwanag niya, ang sound, lalo na ang may low frequency na tunog gaya ng bass drum, ay mas mabilis na nagta-travel sa mga lugar na walang mga gusali o mga istrukturang nakaharang. Wala umanong kababalaghan doon.

Wala nga kaya?

Loading…