Morales pinangalanan ang 2 opisyal sa PhilHealth ‘mafia’ na mahirap ‘galawin’  

Screenshot mula sa YT video ng GMA
  • Pinangalanan ni Morales ang dalawang opisyal na kasapi umano sa Philhealth ‘mafia’
  • Ito ay mga regional vice president mula sa Mindanao at Bangsamoro
  • Kinontra naman ito ni Cabading na nagsabing kabilang sa mga ‘good guys’ ang dalawa

Dalawa sa opisyal ng Philhealth ang mayroong malakas na impluwensiya at mahirap umanong galawin, ayon sa ginawang pag-amin ni Philhealth President at CEO Ricardo Morales.

Sa ginawang pagdinig sa Senado nitong Martes, ika-11 ng Agosto, pinangalan ni Morales ang dalawang opisyal na diumano’y kasapi sa tinataguriang ‘mafia’ sa loob ng Philhealth na sina Vice President for Region 10 Masiding Alonto Jr. at Vice President for ARMM (Bangsamoro) Khaliquzzaman Macabato.

Morales| Screenshot mula sa YT video ng GMA News

Nang tanungin ni Senador Risa Hontiveros si Morales kung bakit nasabi niyang malakas ang impluwensiya ni Alonto at Macabato, sagot ng Philhealth chief, “I couldn’t move them.”

Sinang-ayunan din ito ni Senior Vice President Rodolfo Del Rosario na nagsabing sangkot sa mga irregularidad ang dalawang opsiyal na kabilang sa ‘Mindanao bloc’. Katunayan umano ay maraming kasong nakabinbin laban kina Alonto at Macabato at ito ay nananatiling hindi naaaksiyunan.

Screenshot mula sa YT video ng ABS-CBN News

Subalit kinontra ito ni Alejandro Cabading, ang isa sa whistleblowers na nagbunyag ng katiwalian sa loob ng ahensiya at itinuro ang apat na miyembro umano ng ‘mafia’.

Ayon kay Cabading, kabilang sa mga ‘good guys’ sina Alonto at Macabato. Wala naman daw itong hinahawakang opisina sa NCR central office kaya wala silang paraan para makapagnakaw ng pera.

“In my definition they are the hero, modern-day heroes… and these are the guys to actually bring about the operation of PhilHealth,” pagtatanggol ni Cabading. “Lahat po ng mga information binibigay sa akin, galing po sa kanila. These are the good guys around.”

Sina Alonto at Macabato ay dati nang isinangkot ni dating PhilHealth board member Roberto Salvador sa katiwalian at mga kasapi umano ng ‘mafia’ sa isinagawang katulad na imbestigasyon ng Senado noong nakaraang taon.

Loading…