Multa sa hindi pagsusuot ng face mask, binabaan ng Quezon City government

Imahe mula sa Quezon City Government
  • Binabaan ng Quezon City ang multa sa hindi pagsusuot ng face mask
  • Ito ay upang mas madaling makapagbayad ng multa ang mga violators
  • Ang mga lalabag ay iisyuhan ng OVR at hindi na kailangang dalhin sa presinto
  • Dapat bayaran ang multa sa loob ng limang araw

Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Quezon City noong Biyernes, ika-14 ng Agosto, na ibinaba nito ang halaga ng multang ipapataw sa mga violators  na mahuhuling walang suot na face mask habang nasa mga pampublikong lugar.

Imahe mula sa Quezon City Government

Ang pagbabawas ng multa ay nakapailalim sa City Ordinance No. SP-2957, S-2020 na akda nina Councilors Franz Pumaren and Diorella Maria G. Sotto-Antonio. Inamyendahan nito ang dalawang naunang ordinansa – ang SP-2908, S-2020 at SP-2936, S-2020.

Ang bagong ordinansa ay bunsod umano ng umiiral na sitwasyon ng ekonomiya. Kailangan daw bawasan ang multa upang mas madaling makapagbayad ang mga lumalabag.

Isinasaad sa lumang ordinansa na ang multa sa una, ikalawa at ikatlong paglabag ay may multang P1,000; P3,000 at P5,000, ayon sa pagkakasunud-sunod.

Ibinaba ito sa P300 sa first offense, P500 sa second offense at P1,000 sa third offense.

“Given the present economic situation, there is a need to decrease the penalties imposed because it is more viable for violators to comply with such,” saad ng bagong city ordinance.

Sa bagong ordinansa, ang mga violators ay iisyuhan na lang ng Ordinance Violation Receipt (OVR) para hindi na sila kailangang dalhin pa sa presinto o sa Amoranto Sports Complex para sa documentation. Dapat bayaran ang multa bago mapaso ang OVR sa loob ng limang araw mula sa issuance date.

Imahe mula sa Quezon City Government

Kapag hindi binayaran ang multa ay sasampahan ng kaso ang violator sa City Prosecutor’s Office. Makikita sa police record ang hindi pagbabayad sakaling mag-apply sila ng police clearance.

“Kung hindi makapagbayad ng multa ang mga lumalabag sa ordinansa, hindi na mabubura ang pangalan nila sa listahan ng violators, at makakaapekto ito sa kanila, kung halimbawa kailangan nila ng police clearance sa paghahanap ng trabaho,” sabi ni Department of Public Order and Safety head retired General Elmo San Diego.

Kaugnay nito, inilunsad ng Quezon City government ang “Why I Wear a Mask” campaign upang ma-highlight ang kahalagahan ng pagsusuot ng face mask sa public places upang mapigil ang pagkalat ng COVID-19.

Imahe mula sa Quezon City Government

Loading…