Netizen dinagsa ng deliveries mula Lazada, Shopee kahit wala namang order

Mga imahe mula sa Facebook ni Rowena Calapati
  • Dinagsa ng deliveries ang isang netizen mula sa Lazada at Shopee nitong mga nagdaang araw
  • Halos sunod-sunod na dumating ang deliveries na nagkakahalaga mula P1K hanggang P90K
  • Ang ipinagtataka niya ay wala naman siyang pending order kaya nais niyang humingi na ng tulong sa NBI

Nagtataka ang isang netizen matapos dagsain ng mga delivery mula sa Lazada at Shopee gayung wala naman siyang inorder sa mga nabanggit na online shopping platform.

Sa Facebook post ni Rowena Calapati, ibinahagi nito na simula Agosto 14 hanggang Agosto 18 ay sunod-sunod na dumating sa kanilang bahay ang mga deliveries mula sa Lazada, Shopee at maging sa Jollibee.

Screenshot ng Facebook post ni Rowena Calapati

Sari-saring item ang idineliver ng mga courier na nagkakahalaga mula P1,000 hanggang P90,000. Giit ni Rowena, kailanman ay hindi siya umoorder sa Shopee ng item na mahigit sa P20,000 ang halaga at ‘di rin siya gumagamit ng Lazada app.

Meron ding nakipag-ugnayan sa kaniya para kumpirmahin ang inorder niya daw na sako-sakong bigas.

Imahe mula sa Facebook ni Rowena Calapati

Sinubukan na rin niyang makipag-ugnayan sa Lazada at Shopee para matunton ang identity ng buyer na gumagamit sa kaniyang pangalan subalit hindi makontak ang number na ibinigay nito umano.

Nakikusap ang netizen sa kung sinuman ang gumagawa nito na tigilan na dahil maraming napeperwisyo.

“Kung sino ka mang nangtitrip ka please lang itigil mo na, nakakaawa ‘yung mga taong nadadamay sa lakas ng trip mo,” ani Rowena.

Imahe mula sa Facebook ni Rowena Calapati

“Yung mga rider/courier na nagdedeliver ng mga malalaking boxes ng item nagtatrabaho sila nang maayos sa gitna ng pandemya nakakapanglumo sila makita dahil sa ginagawa mo maawa ka sa kanila please lang,” dagdag pa nito.

Pinag-iisipan na rin ng netizen na humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation o NBI upang makilala ang nasa likod ng panloloko.

Source :

Facebook

Loading…