Netizen ibinahagi ang paghanga sa isang tapat na traffic enforcer

Imahe mula sa Facebook | Wayva Ayom-Euginalla
  • Ibinahagi ng isang netizen ang kaniyang paghanga sa traffic enforcer sa Maynila na hindi tinanggap ang kaniyang lagay
  • Kuwento niya, sinabihan siya nito na hindi niya ipagpapalit ang kaniyang dignidad sap era
  • Ang isa pang enforcer na kaniyang nakasalamuha, pinahiram naman siya ng payong upang maipagpatuloy niya ang kaniyang pamimili sa gitna ng pagbuhos ng ulan

Humanga ang isang netizen sa traffic enforcer sa Maynila na hindi tumanggap ng lagay mula sa kaniya.

Imahe mula sa Facebook | Wayva Ayom-Euginalla

Ibinahagi ng Manila Public Information Office ang personal na karanasan ni Wayva Ann Moya-Allanigue nang mahuli siya ni Manila Traffic and Parking Bureau enforcer Abel Abesamis dahil sa pagmamaneho sa isang one way street papunta sa Recto.

“Humugot ako sa wallet ko. Siguro nasa P500 ‘yon… Sa apat na taon ko, ngayon lang ako susubok na maglagay kasi ‘yon ang laging payo, lagyan na lang,” kuwento niya.

Ngunit kahit walang ibang nakakita sa tangkang paglalagay ni Allanigue ay hindi ito tinanggap ni Abesamis na nagpaliwanag na hindi niya ipagpapalit ang dignidad sa pera.

“Ang sabi niya po sa akin, ‘Ma’am, hindi po, bawal po. Sabi po ni Mayor huwag pong dudungisan ang dignidad para sa kaunting pera,'” ani Allanigue. “And then it hit me, I was trying to bribe an honest man.”

Imahe mula sa Facebook |
Wayva Ayom-Euginalla

Sa halip na bigyan ng ticket ay pinili na lang siyang pagsabihan ng enforcer.

Dahil malakas ang ulan ay pinahiram din siya ng payong ng isa pang enforcer na si Edmundo Gatbunton Jr. upang maipagpatuloy niya ang kaniyang pamimili.

“Galing pa po kasi akong Cavite, ang sabi niya sa akin, ‘Ma’am d’yan ka lang. Hiramin mo ang payong ko. Ibalik mo na lang pagkatapos. O kaya sa’yo na lang ‘pag ‘di mo na ko naabutan.’ Hindi po siya nagdalawang-isip na ipahiram sa akin kahit na malakas ang ulan,” kuwento ni Allanigue.

Dahil sa karanasang ito ay nagpasalamat si Allanigue kay Manila Mayor Isko Moreno.

“Salamat po, Yorme. May mabubuti kang mga tao na isinasapus0 ang pagmamahal sa trabaho nila. Bahay lang ang nilipatan ko pero Batang Maynila po ako at sa ganitong pagkakataon, sobrang proud po akong maging Manileño.”

Loading…