‘Office nightclub’ ng Philhealth official, ipasisilip na rin ng Palasyo

Screenshot mula sa Facebook video
  • Bumuo ng task force ang Malakanyang upang imbestigahan ang katiwalian sa PhilHealth
  • Kasama na rito ang napaulat na ‘office nightclub ng isang mataas na opisyal
  • Ipauubaya na ng Palasyo kung anong reklamo ang dapat isampa sa sangkot na opisyal

Kasama sa mga iimbestigahan ng binuong task force ang napaulat na pagsasayaw ng isang ‘talent’ sa birthday party ng opisyal ng Philhealth na idinaos sa loob mismo ng opisina at sa oras pa ng trabaho.

Lumabas kasi sa ulat ng Senate Blue Ribbon Committee ang kopya ng isang video kung saan isang babaeng maselan ang kasuotan ang sumasayaw nang malaswa habang pinapanood ng mga empleyado.

Nangyari umano ito sa ginanap na pagdiriwang ng kaarawan ni Regional Vice President (Region IV-B) Paolo Johann Perez. Si Perez ay isa sa mga opisyal na inaakusahang kasapi sa tinaguriang ‘mafia’ sa loob g PhilHealth.

Screenshot mula sa Twitter video ni Kat Domingo/ ABS-CBN News

Sa panayam ni Erwin Tulfo kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sinabi ng opisyal na ipauubaya na ng Malakanyang sa task force para silipin ang insidente.

“Ang Palasyo naman po ay mayroon na pong task force na binuo at we will be guided by the findings of the task force. At mayroon naman pong investigation conducted by the Senate as a whole. Iyong mga ebidensiyang nakalap po doon ay tinitingnan din po ng Palasyo,” bahagi ni Roque.

BASAHIN: Philhealth ‘office nightclub’ sa oras ng trabaho nabulgar sa ulat ng Senado

Ang task force ay binuo ni Justice Secretary Menardo Guevarra bilang tugon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ito ay kinabibilangan ng Office of the Ombudsman, Commission on Audit, Civil Service Commission, Office of the Executive Secretary, Palace Undersecretary Melchor Quitain, at ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Screenshot mula sa Facebook video NG RTVM

Kung anuman ang maging resulta ng pagsusuri, ito umano ang magiging basehan kung dapat ngang sampahan ng reklamo ang sangkot na opisyal.

“So pinauubaya na po muna for the time being ng Palasyo sa task force na binuo mismo ng Presidente kung anong mga kaso na dapat isampa at kung sino ang dapat idemenda,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Palasyo.

Umani ng negatibong reaksiyon sa social media ang napaulat na ‘office nightclub’ ni Perez. Maraming netizen ang nagalit dito dahil isa umano itong kalapastanganan sa isang sangay ng pamahalaan na dapat ay nagsisilbi sa mamamayan subalit mistulang pawang kabulastugan lamang ang pinagkakaabalahan.

Loading…