OWWA, DOLE magbibigay ng P100k hanggang P1 million sa bawat grupo ng OFWs na nais magnegosyo

Screenshot mula sa GMA video
  • Magbibigay ng puhunan ang OWWA at DOLE sa mga OFW na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya
  • Mula P100,000 hanggang P1,000,000 ang handang ipagkaloob sa mga OFWs na kailangang bumuo ng grupo
  • Hindi dapat bababa sa limang miyembro bawat grupo at 80% ng mga miyembro ay OFWs

May alok na tulong ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga overseas Filipino workers (OFWS) na napauwi sa bansa dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Screenshot mula sa GMA video

Sa ilalim ng “Tulong Puso Group Livelihood Program,” mula isandaang libong piso (P100,000) hanggang isang milyong piso (P1,000,000) ang handang ipagkaloob ng dalawang ahensya sa bawat grupo ng  mga OFWs na narito na sa Pilipinas na gustong bumuo ng negosyo o maliit na korporasyon o kooperatiba.

Kailangan lang na ang bawat grupo ay may miyembrong hindi bababa sa lima at ang 80% nito ay mga OFWs. Kung halimbawa ay lima ang miyembro ng grupo, dapat apat sa kanila ay OFW at isa lang ang hindi.

Ang halagang ibibigay sa grupo ay depende sa negosyong balak nilang simulan.

“Dapat well-organized ‘yung business. Sa application, makita natin na ‘yung organization ay maganda ang pagka-set up,” pahayag ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac.

Screenshot mula sa GMA video

Dagdag pa niya, “’Yung business plan is thorough and is complete and of course will show na merong risk management and ‘yung probability of success.”

Paalala ni Cacdac, tiyakin lang na ang negosyong sisimulan ay ang mga negosyong pinapayagan sa mga lugar na nasa ilalim ng community quarantine. Kung ang negosyong binabalak ay ipinagbabawal sa umiiral na quarantine, tulad ng spa, ay huwag nang ituloy dahil hindi rin maaaprubahan.

Makikipag-ugnayan din ang OWWA at DOLE sa Department of Agriculture at Department of Trade and Industry para magbigay ng mga suggested business na maaaring pasukin. I-aakma umano ito sa mga negosyong maaaring mag-click o pumatok sa isang partikular na rehiyon o local government unit.

Screenshot mula sa GMA video

Pinayuhan ni Cacdac ang mga OFWs na maghanap ng mga makakasama sa grupo na mapagkakatiwalaan upang matiyak ang tagumpay ng negosyo.

“Maghanap kayo ng natural business partners ninyo…mga kaibigan, kumbaga ay mapagkakatiwalaan na mga kasama para kayo’y mag-form ng business kasi unahin muna natin itong group kasi dito natin nakikitang mas may likelihood ng success,” aniya.

Sa mga susunod na araw ay maglalabas ng guidelines ang ahensya kung ano ang mga dapat gawin upang mag-apply sa programa.

Screenshot mula sa GMA video

Loading…